Pagdating sa hika o asthma, ang mga tao ay laging may kanya-kanyang payong gamot lalo kung traditional medicine ang pag-uusapan. Kaya’t malamang ang iba na may hika ay natikman na ang butiki o house lizard upang diumano ay gumaan at maaliwalas ang paghinga na dulot ng nasabing sakit.
Subalit alam nyo bang hindi lahat ng naririnig natin na gamot umano sa hika ay totoo? Isa na dyan ang pagkain ng butiki na ayon sa mga medical experts, ito ay isang alamat lamang, at hindi totoong nakakagamot ito sa sakit na hika o asthma.
Ang ginagawa ng mga naniwala na gamot daw ang butiki sa hika, pinatutuyo nila ito katulad sa pagpapatuyo sa dilis, at kinakain kapag natuyo na. Maaaring e prito ito, o kaya ay ihalo din sa mga gulay katulad ng ginataang langka.
Hindi lang yan, dahil ayon pa sa alamat na’yan, pati daw HIV at cancer ay kayang gamutin ng pinatuyong butiki. Mas mabisa pa nga raw kung ‘yung ‘tuko’ na mismo ang kainin kasi mas malaki ito at mas makapal ang balat.
Pinabulaanan ito ng mga health professionals at nagbabala na ang pagkain ng butiki at tuko ay hindi maganda at mapanganib sa kalusugan. Dagdag pa rito ang posibilidad na mabilanggo ng hanggang apat (4) na buwan, at mapagmulta ng aabot sa 300,000 pesos kapag nangolekta at nagbenta ng butiki, dahil ito ay paglabag sa batas na nagbabawal sa pangongolekta at pagbebenta ng mga nasabing species.