Inaanyayahan ng Department of Trade and Industry (DTI) – Romblon ang publiko na tangkilikin ang kanilang Diskwento Caravan na ginaganap sa Baymart Tablas sa bayan ng Odiongan sa Romblon.
Ang Diskwento Caravan ay programa ng DTI ngayong Consumer Welfare Month kung saan makakapamili ang mga consumers ng mga pagkain at iba pang mga gamit sa mga piling tindahan sa napakamurang halaga.
Ayon sa anunsyo ng DTI-Romblon, nakipagtulungan sila sa Baymart Tablas ng St. Vincent Ferrer Multi-Purpose Cooperative upang magbigay ng diskwento sa bibili ng groceries.
Nagsimula ang Diskwento Caravan noong October 4 at magtatagal hanggang October 10 bago lilipat sa isla ng Sibuyan at Romblon sa susunod na linggo.
Maliban sa mga groceries, naglatag rin ng booth ang One Town, One Product (OTOP) Hub sa labas ng Baymart Tablas upang ibenta rin sa murang halaga ang mga pagkain at kagamitang gawa sa lalawigan.
Ilan sa mga produktong mabibili rito ay mga powdered genger tea, peanut butter, bagoong, tinapay, mga walis tambo at iba pa.
Paalala lamang ng ahensya sa bibisita sa lugar na ugaliin paring sundin ang pinatutupad na minimum health protocol upang makaiwas sa pagkakahawaan ng Covid-19.