Simula ngayong araw, October 11, ay makakalabas na ng kanilang mga bahay ang mga hindi bakunado laban sa Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ito ay matapos na hindi i-extend ng lokal na pamahalaan ang ipinatupad na kautusan ng kanilang Municipal Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (MIATF) na naghihigpit sa galaw ng mga tao sa bayan dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Ayon kay Romblon mayor Gerard Montojo, bagamat makakalabas na ang mga hindi bakunado, pinapayuhan parin ng pamahalaan na huwag munang lumabas ang mga edad 18 pababa at 65 pataas na hindi pa bakunado.
Papayagan na rin muling magbukas ang mga simbahan ngunit hanggang 50% lamang ng kapasidad ang papayagang pumasok rito. Magpapatupad parin ng curfew sa bayan mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw kinabukasan.
Samantala, ang mga pampublikong sasakyan kagaya ng jeep ay papayagan ng muling bumiyahe pero hanggang 30% lamang ng sasakyan ang pwede sumakay.
October 1 nang simulan ng lokal na pamahalaan ang paghihigpit sa galaw ng tao sa kanilang bayan dahil sa pagtaas ng kaso ng Covid-19.
Sa ngayon, bumaba na sa 135 ang aktibong kaso ng Covid-19 sa bayan mula sa mahigit 200 noong nakaraang linggo.