Mga proyektong imprastraktura na naghatid ng pagbabago at kaunlaran ang ilan sa pamana ng administrasyong Duterte sa Mimaropa, ayon kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar sa isang panayam noong Oktubre 12.
Sa programang Para sa Bayan sa One FM Mindoro, kasama ang mga host na sina Daisy Del Valle- Leaño at Helen Pilaro De Guzman, ibinahagi ni Andanar ang ilan sa mga natapos nang proyekto sa rehiyon bilang bahagi ng Duterte Legacy Campaign.
Kabilang dito aniya ang Access Road mula bayan ng Coron hanggang Borac Port, ang dalawang kilometrong Coron-Busuanga Road, at ang Magarwak Bridge, pawang matatagpuan sa probinsya ng Palawan.
Sa Marinduque naman, binanggit ni Secretary Andanar ang mga nakumpletong pagawain-bayan ng pamahalaan – Boac Bypass Road, Boac-Mogpog Bypass, at ang Tabigue Flood Control Project na sagot sa pagbaha sa mabababang barangay malapit sa Boac River.
“Kabilang din sa Duterte Legacy ang Panangcalan Evacuation Center, ang Calintaan Bypass sa inyong probinsya at ang access road patungong Simbahang Bato sa Naujan, Oriental Mindoro,” saad pa ng Kalihim.
Bukod sa mga nabanggit na mga proyektong-imprastraktura, apat na Malasakit Centers ang naipatayo sa rehiyon na matatagpuan sa Panlalawigang Pagamutan ng Romblon at Occidental Mindoro gayundin sa Ospital ng Calapan at Ospital ng Palawan.
Sinabi ni Andanar na sa nalalabing walong buwan ng panunungkulan ay marami pang isasakatuparan ang Pangulo, kasabay ang apela sa publiko na patuloy na suportahan at tulungan ang kasalukuyang administrasyon. Aniya, nakatutok ang pamahalaan sa pagbangon mula sa mga pinsalang hatid ng pandemya at ang mga hakbangin para ganap itong makamit ay nakalatag sa Road Map to Recovery ng pamahalaan. Voltaire N. Dequina/PIA Mimaropa)