Isang kilos protesta kontra sa pagmimina ang inorganisa ng ilang grupo sa isla ng Sibuyan nitong Linggo, October 24.
Ang nasabing kilos protesta ay dinaluhan ng iba’t ibang grupo kagaya ng Angat Ka, G2 Republic, Bayay Sibuyanon, Natures Ambassadors of Sibuyan Island (NASI), Tau Gamma Fraternity, Sibuyanon Against Mining, at ilang bikers.
Ayon kay Elizabeth Ibañez ng Alyansa Tigil Mina for MIMAROPA, ang kanilang layunin ay maiparating sa publiko na may banta parin ang isla.
Kasabay ito sa pag-obserba ng grupo sa Mining Hell Week (MHW).
Nagsimula ang motorcade ng grupo sa Cajidiocan at natapos sa isang lugar sa Taclobo sa bayan ng San Fernando.
Dala ng mga nag kilos protesta ang ilang plakards na kinokondena ang pagmimina at ang Executive Order 130 ni Pangulong Rodrigo Duterte kung saan tinatanggal ng pamahalaan ang “mining moratorium”.
Sinabi ni Ibañez na mas nangangailangan ang mga tao ng sustainable na tugon sa pandemya at hindi nag paminina.
“Ang isa pang layunin sa ginawa naming pagkilos kanina ay upang buksan ang kamalayan, lalo na ang mga kabataan, na huwag ihiwalay sa kanilang adhikain ang patuloy na pangangalaga sa kapaligiran ng buong isla,” pahayag ni Ibañez.