Umabot na sa mahigit limang libo katao ang nabakunahan laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19 sa bayan ng Romblon, Romblon.
Ito ang iniulat ni Romblon mayor Gerard Montojo sa Public Briefing #LagingHandaPH ngayong Lunes, October 4.
“Out of 40,000 naming population kasama na jan ‘yung mga 18 years old and below — ang fully vaccinated namin jan ay nasa 5,800 tapos ‘yung mga naka-first dose po ay nasa 4,000. Iba pa po ‘yung na-administer ng Romblon District Hospital,” ayon sa alkalde.
“Lahat ng binibigay sa amin ng national government na mga bakuna ay na-administer namin lahat,” pahayag pa ng alkalde.
Sa nasabing programa, nagpaliwanag rin ang alkalde kung bakit dumagsa ang mga taong gustong magpabakuna bago ipatupad ang resolusyon ng kanilang Municipal IATF na nagbabawal sa mga hindi bakunado laban sa Covid-19 na lumabas ng bahay.
Aniya, mula Lunes hanggang Miyerkules, o apat araw bago ipatupad ang nasabing kautusan, wala umano masyadong nagpapabakuna.
“Pero pagdating ng Tuesday and then informing the barangay captains that our resolution will be implemented starting October 1. ‘Yan yung kinagulat namin noong Thursday, dumagsa po ‘yung mga tao.”
“Marami palang gustong magpabakuna pero nag-aantayan po sila para po bang sa pagpaparehistro, nag-aantay ng deadline pero available po ‘yung vaccines,” pahayag pa ng alkalde.
Ang nasabing resolusyon ay magtatagal hanggang October 10.