Personal kong nasaksihan kung papaano ang eleksyon sa Pilipinas ay nagiging test o identifier ng kaalaman at maging espiritwal na katayuan ng isang tao.
May naging pagtitipon noon ng mga OFWs sa Qatar na dinaluhan ni President Duterte. Isa pa ako sa mga nanguna upang ayusin at malagyan ng sistema ang pagkontrol sa mga tao (crowd control). Nasa upper level ako ng gymnasium at nagmamasid sa galaw ng mga tao habang nagtatalumpati ang Pangulo, kaya’t kitang-kita ko ang reaksyon ng mga tao sa bawat binibitawang salita ng Pangulo.
May grupo doon ng mga pastors at kitang-kita ko ang ilan na tuwang-tuwa at pumapalakpak pa habang nagmumura ang Pangulo. Tila napapa-standing ovation pa nga.
Karaniwan din sa mga mananampalataya ay makikita mo na tila hindi na tukoy ang kaibahan ng mabuti sa masama. Nakakapagtaka na kahit sa hanay ng mga mananampalataya, tanggap nila ang masamang bagay na ginawa ng isang kandidato, halimbawa ang magsinungaling, mang-gantso o mang-budol, magtapang-tapangan, magmura, mam-bully, at mga walang saysay na pananalita na hindi bagay sa kanyang position at kinakatawang mandato, dahil kesyo sinusuportahan nila ang naturang pulitiko o kandidato.
Maliwanag na ito ay pagkilos na ng deceiving spirit at idolatry na hindi lang matukoy ng isang mananampalataya sa sarili. Delikado ito sa buhay ng isang mananampalataya dahil katulad din ito sa isang kulto (Occultism).
Well, hindi lang sa espiritwal na aspeto karaniwan ito, kundi maging sa aspeto ng kaalaman at edukasyon.
Kilala mo naman na nakapag-aral o may mataas na pinag-aralan ‘yung tao, pero bakit tila nawala na ang kanyang pinag-aralan, kaalaman at wisdom dahil naniniwala sa mga hindi totoong impormasyon, na kahit pa paliguan mo na ng totoong dokyumento eh, mas pipiliin na ipikit ang mata at paniwalaan kung hindi man tanggapin na lang kahit alam sa sarili na kasinungalingan lang ang impormasyong isinusubo sa kanila ng partido, sa ngalan ng kanyang ‘idolatry’ sa isang kandidato o pulitiko.
May nabasa nga ako na ang sabi, ‘pinag-aral at nagsaliksik ng mahabang panahon noong nasa kolehiyo, pero mas pinapaniwalaan ang mga sabi-sabi sa tiktok.’
Delikado rin ito sa isang tao lalo na kung sya naman ay nakapag-aral at may paraan naman at abiidad na saliksikin kung ano ba talaga ang tama o totoo.
Hindi masama na bawat isa sa atin ay may ‘ika nga political inclination o preference. Pero dapat, kung ano ang tama ay tama, at ang mali ay mali, regardless kung anong partido pa, pulitiko o kandidato ang sinusuportahan o napipisil na suportahan.
What’s your thought?