Sino ba ang hindi nakakaalam sa popular na kasabihan, “Tell me who your friends are, and I will tell you who you are.” Sigurado, halos lahat tayo ay alam ito.
Naging makabuluhan sa pangkalahatan ang internet technology. Bagamat may kinakailangang level ng kalidad at serbisyo nito ang dapat maabot na may katumbas na halaga, ganun pa man mas naging produktibo, madali, less-error, at mabilis ang mga transaksiyon sa mga opisina man o negosyo.
Kasama sa teknolohiya na ito ang development ng mga social media platforms kung saan maaaring magkonek, magkausap, at maglathala ng anumang media material alinsunod sa patakaran ng isang platform. Gamit ang platform, tulad halimbawa ng Facebook, tila baga one-to-sawa ang kalayaan ng isang user na magpost, sumagot, makipagdiskusyon, at iba pang aksyon na sa wari at paniniwala nya ay tama, opinyon man ito, totoong impormasyon o datus, kathang-isip, o kasinungalingan lang.
Dahil sa padami ng padami ng bilang ng mga social media users, di na nakapagtataka na naging alternatibo itong platform ng isang korporasyon, negosyo, departamento o opisina mapa-publiko man o pribado, at mga iba’t ibang grupo, organisasyon, pati na rin mga partidong politikal para sa kanilang mga adbokasiya at pangangampanya.
Sa pangkalahatan, maganda at kapaki-pakinabang ang social media, pero depende sa kung papaano ito ginagamit.
Dati, ang social media ay mas ginagamit lamang sa tinatawag na social networking. Eto yung pagkakaroon lamang ng koneksiyon sa mga dating kaibigan, katrabaho, o kaya ay mga bagong grupo na nais salihan, ayon sa linya o interes ng mga kasamahan.
Subalit kapansin-pansin, simula taong 2015 naging iba ang itsura ng social media, lalo ng ito ay gamitin bilang platform sa mga politikal na pangangampanya. Nauso ang hoax, fake memes, fake at satire news, fake o mga dummy accounts, pati na mga tinatawag na trolls.
Napakalaki ang naging negatibong dulot ng bagong social media phenomenon na ito sa paguugali ng mga tao sa social media. Napakadali ang magbitaw ng mga salitang, tanga, bobo, gago, at iba pang mga pagmumura. Ang iba nga ay ultimo paghangad sa ibang tao na mamatay na ay nagagawa pa ring sabihin.
Bakit ganun? Anong ehemplo para sa mga susunod na henerasyon kaya ang magiging dulot nito?
Pero saglit, kapag may makita kang tao sa social media na kung makapagsalita ng pagmumura ay wagas, napakadali, at akala mo napakatapang, tingnan mo at silipin ang kanyang social media profile. Kung yan man ay halos walang laman, meaning mga trolls lang yan, o kung may laman man at totoong account, may ‘common denominator‘ kang makikita sa kanilang lahat na ganyan ang ugali sa social media.
Ano ba ang ‘common denominator‘ na ‘yan? Well, you will know it when you see it.