Aabot sa P37,490,000 halaga ng livelihood assistance grant (LAG) ang naipamahagi na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa probinsya ng Romblon ngayong taon.
Ayon kay Gare Gaa, Sustainable Livelihood Program coordinator ng DSWD sa Romblon, may aabot sa 3,035 na mga benepisyaryo ang nabigyan ng hanggang P15,000 na grant sa probinsya.
Ang mga nabanggit na livelihood assistance grant ay pinondohan mula sa pondo ng DSWD at mula sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Dagdag pa ni Gaa, sa ika-6 na batch ng LAG, 90.36% na ng kabuoang P16,800,000 ang kanilang na naipamigay sa mga benepisyaryo.
Nitong nakaraan, may ilang benepisyaryo na ang nakatanggap sa mga bayan ng Looc, Odiongan at San Agustin.
Sa ibinagay rin na talaan ni Gaa sa Philippine Information Agency Romblon, may pondo pang hiniling ang Provincial Gov’t ng Romblon at ang opisina ni Congressman Eleandro Madrona sa opisina ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ni Sen. Bong Go, na aabot sa P20-million para sa 1,334 na benepisyaryo pa ng LAG sa probinsya na bahagi ika-7 batch ng programa.
Ayon sa DSWD ang mga naisama na sa mga naunang batch ay hindi na mabibigyan sa mga susunod na batch ng LAG.