Pormal ng inilunsad ngayong October 26 ng Department of Science and Technology – Mimaropa ang online information system na tutulong sa mga Micro, small and medium enterprises (MSMEs) sa Romblon ngayong digital age.
Ito ang MIMS o MSMEs Inventory Monitoring System na ginawa sa tulong ng Romblon State University.
Ang nasabing software ay tutulong para sa MSMEs para ma-track nito ang kanyang inventory, sales, at ang kanilang deliveries.
Paliwanag ni Ms. Catherine Bhel Aguila ng Romblon State University, ang MIMS ay may dashboard kung saan makikita ng MSMEs ang trend o datus ng pagtaas ng kanyang sales at iba pang ‘graphical output’ ng mga transaksyon.
Sinabi rin ni Aguilana inaayos na nila ngayon ang nasabing software para magamit ng mga MSMEs sa mga lugar na mahihina ang internet connections.
Ayon naman kay Jim Sim, Manager ng SIMS Construction Trading & Services, isa sa mga benepisyaryo ng MIMS sa lalawigan, malaking tulong umano ito sa kanila lalo na ngayong mahirap ang face-to-face, madali na umano para sa kanilang makapag-check ng mga inventories.
ANG MIMS ay isa lamang sa limang online information system na inilunsad ng DOST sa rehiyon bilang isa sa mga aktibidad bago magsimula ang 2021 National Science and Technology Week (NSTW) celebration.
Sinabi ni DOST Mimaropa regional director Dr. Ma. Josefina Abilay na may 18 na mga MSMEs ang kasalukuyang gumagamit ng mga softwares na ito sa rehiyon.
Maaring makipag-ugnayan sa opisina ng DOST ang mga MSMEs na gustong sumali sa digitalalization program ng ahensya.