Bumaba ng halos kalahati ang bilang ng mga nagpapakasal sa rehiyon ng Mimaropa noong nakaraang taon kumpara noong taong 2019, base sa PSA Tables of Vital Statistics for 2020 ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Sa kanilang ulat, mula 14,707 noong 2019 ay bumaba ito sa 7,049 nalang noong 2020.
Noong 2019, nanguna sa listahan ang Lalawigan ng Oriental Mindoro kung saan 4,467 ang naganap na kasal sa lugar na sinundan ng Lalawigan ng Palawan na may 3,691 na kasal.
Pero noong 2020, naitala ng Lalawigan ng Palawan ang pinakamalaking bilang ng mga rehistradong kasal na may 1,985 habang pumapangalawa naman ang Lalawigan ng Oriental Mindoro na may 1,809 na rehistradong kasal.
Maliban rito, bumaba rin ang bilang ng mga ipinapanganak sa rehiyon noong nakaraang taon kung saan 44,096 na lamang na bata ang isinilang na sanggol mula sa dating 48,887 na bilang noong 2019.
Ayon kay Commission on Population and Development (POPCOM) Mimaropa Regional Director Reynaldo O. Wong, ang pagbaba ng bilang ng mga pinapanganak na baby sa rehiyon ay posibleng paraan ng mga mag-asawa at magkasintahan para makasabay sa epekto ng pandemya.
“The decline in the number of babies in MIMAROPA may be attributed to the mechanisms adopted by couples and individuals to cope with the onslaught of COVID-19 pandemic. With fewer marriages and couples avoiding unplanned pregnancies by using modern family planning methods, fewer babies were delivered,” pahayag nito.
Noong Mayo 2020, sinabi ng POPCOM na posibleng magkaroon ng pagtaas ng bilang ng mga ipapanganak dahil sa hindi paglabas ng mga tao, dahilan upang hindi magkaroon ng acess sa family planning supplies ang isang magkasintahan.
Pero hindi ito nangyari, sa halip, mas maraming kababaihan ang nagpasyang ipagpaliban ang pagkakaroon ng mga anak at iwasang magkaroon ng maraming anak matapos nilang masaksihan ang mga paghihirap sa pag-secure ng pangunahing mga serbisyong medikal, pangkalusugan at pagpaplano ng pamilya dahil sa pandemya.