Maglalatag ng mga assistance desk ang iba’t ibang Municipal Police Station (MPS) sa iba’t ibang sementeryo sa probinsya ngayong UNDAS upang masigurong naipatutupad ang minimum public health standards sa mga bibisita dito bago ang November 1 at 2.
Sa panayam ng Romblon News Network nitong October 26 kay Romblon Police Provincial Office Director Col. Christopher Abecia, sinabi nitong simula bukas o sa Huwebes ay maglalatag na sila ng mga assistance desks.
Nakikipag-ugnayan na rin umano ang mga MPS sa mga force multiplier ng PNP para maging katuwang nila sa pagbabantay sa mga sementeryo ngayong UNDAS.
Sinabi rin ng hepe ng Romblon PPO na naka-full alert ang buong kapulisan para masiguro ang kaayusan at kapayapaan sa pag-obserba ng mga Romblomanon rito.
“Lahat ng munisipyo natin, pina-alerto natin yung mga kapulisan natin. Naka-full alert tayo before and after UNDAS,” pahayag ni Col. Abecia.
Paalala ni Col. Abecia sa publiko na bibisita sa mga sementero na sundin parin ang minimum health standards at ang ilang paalala ng PNP katulad ng pagbabawal magdala ng mga patalim at ng mga alak, at ang pagbabawal sa pagsusugal.
“Katulad ng nakaraang taon, sana maging peacefull ‘yung pagdaraos natin ng Todos los Santos,” ayon kay Col. Abecia.