May kilala akong kapit-bahay namin at puring-puri namin sya kasi nga napakabait nya sa amin. Every time na tag-ani ng palay, mais, kamoteng-kahoy, mani, saging at iba pa, naghahatid ito ng kahit papaano konting bahagi at binibigay sa amin. Maliit man na bagay, malaking tulong at kasiyahan na rin ito sa amin kasi nga mahirap lang kami. Wala din namang trabaho mga parents ko.
Hanggang sa nag-asawa na ang panganay naming kapatid. Eh, wala naman kaming lupa. Sa bait nitong kapit-bahay namin, binigyan pa ng kapirasong lupa ang aming kapatid para doon na magpatayo ng maliit na kubo.
Talaga nga namang napakabait ng kapit-bahay naming ito. Wala na talaga kaming masabi. Palibhasa naman talaga kasi e, mayaman itong aming kapit-bahay, sa lawak ba naman ng kanilang lupain. Tuloy-tuloy ang kanilang kabutihan sa amin hanggang sa pareho ng namatay ang aming mga magulang.
Isang araw, nalaman na lang namin na ang mga lupa palang sinasaka kasama ang hacienda nitong kapit-bahay namin ay pagmamay-ari ng aming mga namatay na magulang na matagal lang na hindi namin alam. Kahit mga magulang ko wala rin ideya na sa kanila pala ito na minana pa sa aming mga grandparents.
Inakyat namin sa korte ang kaso upang mabawi namin ang mga lupain ng aming mga magulang, pero hanggang ngayon konti pa lang ang naibabalik ng mangangamkam at manloloko na kapit-bahay na ito.
Nitong mga nakalipas na araw, nalaman ko na itong kapit-bahay namin e, tumatakbo pala sa darating na 2022 national and local elections.
Pinag-aawayan tuloy namin ng aming kapatid na panganay na nabigyan ng kapirasong lupa ng aming kapit-bahay, kaya todo-suporta sya sa kandidatura nitong manlolokong kapit-bahay. Ayon kasi sa kapatid ko na sumusuporta pa rin sa manlolokong kapit-bahay, e kasi nga daw nabigyan sya ng kapirasong lupa para pagtayuan ng kanilang kubo.
Di ko alam kung anong nakain nitong kapatid ko, bakit hanggang ngayon e pinapaniwalaan ang kasinungalingan nitong manlolokong kapit-bahay kesa paniwalaan ako, sa kabila ng mga dokyumento na galing sa korte na nagpapatunay na sa aming pamilya ang kanyang nakamkam na mga lupain.
Tulungan nyo po akong gisingin itong kapatid ko na’to na na-kulto na yata nitong kumakandidatong manloloko.
What’s your thought?