Nasa mahigit tatlong libong (3,000) food packs ang tinanggap ng mga bayan ng Concepcion at Corcuera sa lalawigan ng Romblon mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at kila Governor Jose Riano at Congressman Eleandro Madrona.
Ang mga nasabing food packs ay ipapamahagi sa mga residente ng mga nabanggit na bayan na apektado ng lockdown dahil sa mga naitalang kaso ng coronavirus disease 2019 (Covid-19) sa isla.
May laman itong mga bigas, delata, noodles, at iba pang pagkain para sa mga naka-lockdown.
Abot naman ang tuwa at pasasalamat ng mga residente ng bayan ng Corcuera, na isa sa mga bayan na pinadalhan ng food packs.
Sa kanilang pahayag sa kanilang facebook page, nagpasalamat sila sa nasyonal na pamahalaan at sa iba pang tumulong sa kanila lalo na ngayong kinakaharap ng bansa ang pandemya.
“Ang pamahalaang lokal ng Corcuera, Romblon sa pangunguna ni Mayor Elmer M. Fruelda ay nagpapasalamat sa mga ahensya na patuloy na tumutulong tuwing nakakaranas tayo ng mga kalamidad tulad ng Covid-19,” ayon sa facebook page ng Corcuera.
“Nagpapasalamat din po kami sa DSWD Romblon sa ating mahal na Cong. Budoy Madrona at Gob. Otik Riano at sa Gatchalian Family kay Sen. Win Gatchalian sa patuloy na suporta sa aming mga kababayan lalong lalo ngayong may kinakaharap tayong pandemya,” dagdag pa nila.