Dumating ngayong araw sa Romblon Provincial Hospital ang aabot sa 100 oxygen tanks na pinadala sa probinsya ng Department of Health – Center for Health Development (DOH-CHD) Mimaropa.
Ang mga oxygen tanks ay pwedeng magamit ng lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa buong lalawigan lalo na ngayong may kakulangan ng supply ng oxygen sa probinsya.
Sinabi ni Ralph Falculan, Development Officer ng DOH-Mimaropa, na lahat ng probinsya sa Mimaropa (Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan) ay pinadalhan nang regional office ng DOH ng mga oxygen tanks para magamit ng mga pasyente.
Sa isa namang text message, sinabi ni Atty. Lizette Mortel, Provincial Administrator, na magiging kapaki-pakinabang para sa mga Romblomanon ang mga pinadalang oxygen tanks ng pamahalaan.
“This will be beneficial for us, hindi lang ngayon but also when we have our own generating facility,” pahayag ni Atty. Mortel.
Nauna na nitong sinabi na sa susunod na buwan ay inaasahang bubuksan na sa Romblon Provincial Hospital ang Oxygen Generator Facility bilang solusyon umano sa problema ng pahiarapang pag-source out ng mga oxygen.