Dinagsa ngayong Huwebes, September 30, ang vaccination site sa Barangay Capaclan sa bayan ng Romblon, Romblon ng mga taong gustong magpabakuna laban sa Covid-19.
Ito ay isang araw bago ipatupad ng lokal na pamahalaan ang paghihigpit sa bayan kung saan pagbabawalan muna sa loob ng sampung araw lumabas ng kanilang mga tahanan ang mga hindi pa bakunado laban sa virus.
Sa Capaclan Covered Court, madaling araw palang ay may mga nakapila na at umabot ng daan daang metro ang haba ng mga nakapila.
Hindi na rin naipatupad ng maayos ang social distacing sa lugar dahil sa nagdikit dikit na gustong magpabakuna.
Sinabi ng Department of Health sa probnsya na sapat ang bakuna na nakalaan para sa bayan. May aabot umano sa 5,000 na doses ng bakuna ang kanilang inilaan sa Romblon, Romblon at may mga supply pa sa cold storage facility sa Romblon Provincial Hospital na handang ibiyahe patungong Romblon island.
Ayon sa lokal na pamahalaan, bukas naman umano ang mga businesses at mga workplace kabilang na ang construction ngunit kapag ang nagtatrabaho rito ay hindi bakunado, inaabisuhan sila na huwag nalang muna umuwi ng kanilang bahay at doon nalang mag-bubble sa kanilang pinagtatrabahuan.