Habang hindi pa natin nakikita mga tropapips ang ika nga eh “light at the end of the tunnel” sa problema ng COVID-19, dito na muna tayo sa isa pang killer virus na dengue na posible na raw magkaroon ng gamot na gawa ng mga Pinoy.
Sa ngayon mga tropapips, wala pa talagang gamot na panlaban sa dengue. Kung matatandaan niya, may inilabas na kontrobersiyal na bakuna na Dengvaxia pero hindi rin nagtuloy-tuloy sa Pilipinas dahil may pagdududa sa bisa nito.
Gaya ng COVID, ang mga sintomas ng sakit tulad ng matinding lagnat ang ginagamot kapag tinamaan ng dengue. Iyon nga lang, kapag matindi ang uri ng dengue na tumama at mahina ang resistensiya ng pasyente, malaki ang posibilidad na mamatay siya.
Bago tayo pestehin ng COVID, aba’y piyesta mga tropapips ang mga lamok na batik-batik na may bitbit ng dengue virus. Noong Enero hanggang Nobyembre ng 2018, mantakin ninyong 222,849 ang dengue cases sa bansa.
At mula Enero hanggang Nobyembre ng 2019, halos dumoble ito sa 414,532. Kasama sa mga kaso na ‘yan ang anak ng isang kurimaw natin na na-ICU ng ilang araw dahil grabe ang dengue na tumama sa kaniya. At sa awa ng Diyos, gumaling matapos ng 10 araw na gamutan.
Hindi raw biro ang mga panahong iyon dahil punuan ang mga ospital ng mga pasyenteng may dengue. Bukod doon, nagkakaubusan din ng plasma at dugo na kailangan ng mga may dengue, lalo na iyong nakararanas na ng “bleeding.”
Noong 2018, 1,122 ang namatay sa dengue at 1,546 naman noong 2019. Nang magka-COVID, para na-lockdown din ang mga lamok at bumaba ang bilang nga tinamaan ng dengue noong 2020 na 49,135 lang at 179 ang nasawi.
Kaya kabilang ang kurimaw natin sa natuwa nang mabalitaan na niya na umaarankada na ang posibleng maging kauna-unahang gamot na capsule na panlaban sa dengue-at gawang Pinoy pa.
Lumalabas na isang pharmaceutical company ang namamahala sa paggawa ng gamot at suportado ng Department of Science and Technology’s Philippine Council for Health Research and Development (DOST-PCHRD).
Pitong taon daw inabot ang pag-aaral sa gamot at natapos na ang Phase 1 ng clinical trial nito at nakitang epektibo ito at walang side effect. Totoo kaya na mga herbal plant ang mga sangkap sa gamot at dito lang sa Pilipinas makikita? Kasama kaya diyan ang tawa-tawa?
Sinasabing kaya raw ng gamot na ito na alisin ang lahat ng sintomas ng dengue kapag ininom kaya itinuturing talaga siyang gamot at hindi supplement. Kasama sa sintomas ng dengue ang matinding lagnat, pananakit ng katawan, ginaw, pagpapantal, at ang matindi nga eh yung bleeding o pagdurugo.
Buweno, dahil maganda raw ang resulta, tuloy-tuloy na Phases 2 at 3 clinical trials ngayong taon. At sa taong 2022, inaasahang matatapos na ang buong pag-aaral at magkakaalaman na kung mabisa ba talaga ang gamot o “hopia” lang pala, na huwag naman sana. Abangan.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)