Marami mga tropapips ang nag-aalala sa balitang ibabalik na sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ) ang Metro Manila noong Setyembre 8. Pero marami rin naman ang natuwa dahil makakapaghanap-buhay na muli sila. Kaya lang– It’s a prank!
Dahil nga sa pagdami na naman ng mga kaso ng COVID-19 dahil sa Delta variant, inilagay uli ang Metro Manila sa mas mahigpit na lockdown o enhanced community quarantine (ECQ) noong August 6.
Sa ECQ, maraming bawal; tulad ng bawal ang mga personal care services gaya ng spa at barberya, bawal ang kainan sa mga resto at iba pa. Pagkaraan ng ilang linggo, niluwagan ng kaunti ang restriction na modified enhanced community quarantine (MECQ).
Pero gaya ng ECQ, marami pa rin ang bawal kaya marami pa rin ang negosyong sarado at pa-online-online muna. Ang ilang personal care services, para mga girilya na “patago” ang diskarte para tumanggap ng kostumer at kumita.
Kaya nang ianunyo noon Setyembre 6 ng Palasyo na gagawin nang GCQ with GL (Granular Lockdown) ang Metro Manila simula sa Sept. 8, maraming negosyante ang napa-aleluya! Kasi, papayagan nang magbukas ang ibang negosyo na sarado sa ECQ at MECQ.
Hindi lang iyon, malamang na maging ang mga gustong makapag-ehersisyo sa mga parke, makapag-bike, jogging at makabisita sa mga kamag-anak nila sa ibang lungsod, umasang magagawa na nila ito sa ilalim ng GCQ with GL.
Iyon nga lang, nagmistulang “prank” ang anunsyong lilipat na sa GCQ with GL ang Metro Manila dahil pagsapit ng Sept.7, biglang sinabi ng Palasyo na hindi na ito tuloy at mananatili ang NCR sa MECQ.
Ang masaklap, may mga negosyante na nga ang naghanda at gumastos, at kinausap na ang kanilang empleyado pero na-hopia sila. At aminado naman ang mga opisyal na sablay sila sa pabago-bagong desisyon na “dikit” ang petsa ng anunsyo kaya wala na ring nagawa ang mga apektadong negosyante.
Aba’y kahit ang Philippine Chamber of Commerce and Industry (PCCI) at maging ang ilang alkalde sa Metro Manila eh dismayado sa nangyari–na tinawag ng isang opisyal sa IATF na “lesson learned,” kahit isa’t kalahating taon na ang pandemya–lesson learned pa rin?
At habang kamote pa rin ang taktika sa paglaban sa COVID-19, dumadami pa rin ang mga negosyong nababangkarote at dumadami ang mga nawawalan ng trabaho.
Kabilang nga mga tropapips sa mga negosyong nadagdag sa mga tumiklop dahil sa pandemic eh ang Automatic Centre na mahigit 70 taon nang nagbebenta ng mga appliances.
Ayon sa anunsyo ng Automatic Appliance Inc. (AAI), tigil na ang operasyon nila simula sa Oktober 10, 2021. Ilang buwan bago mag-Pasko kaya malungkot malamang ang libu-libo nilang kawani.
At batay sa survey ng Social Weather Station, umabot sa 13.5 milyon o 27.6% ang nawalan ng trabaho noong Hunyo. Mas mataas sa 1.3 milyon na naitala noong Mayo.
Pero sana kapag natuloy na at hindi na prank ang paglagay sa Metro Manila sa GCQ with GL, at dahil papalapit ang Pasko, sana ay dumami na ang magkakatrabaho, at hindi ang magkakaroon ng COVID-19.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)