Mapapa-sana all mga tropapips ang mga negosyante sa sobrang buwenas na dumapo sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Mantakin mo ba namang makakopo ng bilyong-bilyong kontrata sa gobyerno kahit ang kapital lang nila bago magka-pandemic eh mahigit P600,000 lang.
Aba’y kahit sa usapang negosyo sa Divisoria, inaalam muna ng kostumer ang kausap niya kung may sapat na kapital para mabili ang oorderin niyang produkto.
Kung ang kausap kasi ang panggalingan ng oorderin na produkto, natural kailangan niya ng mga materyales para gawin ang order.
Kung kulang ang kapital sa pagbili ng materyales, puwede siyang mangutang…pero siya pa rin ang gagawa ng produkto.
Pero sa kaso ng Pharmally na nakakorner ng kontrata sa face mask at PPE na sinasabing aabot sa P8 bilyon, lumilitaw na hindi naman siya gumawa ng mga produktong isinuplay sa Pilipinas, kung hindi binili nila sa ibang kompanya.
Mabuti sana kung piso lang ang patong nila sa presyo ng nabili nilang mga PPE at face mask, pero hindi. Sabi ni Senador Ping Lacson, sa PPE pa lang, posibleng kumita raw ang kompanya ng P1.5 bilyon.
Ang presyo daw ng Pharmally sa PPE ay P1, 910 bawat isa gayung nakuha nila ito sa mga Chinese supplier ng P1,150 kada isa. Ibig sabihin, P760 kada isa ang patong. Eh paano pa sa face mask?
Kaya lumalabas na hindi talaga “supplier” ang Pharmally at mas mukhang naging “middle man.”
Ang isang dating opisyal naman sa Procurement Service Inspection Division ng Department of Budget and Management (DBM), tumuga na aprubado na ang mga produkto kahit hindi pa dumarating.
Ibig sabihin, lusot agad ang mga produkto kahit hindi na masuri. Pero papaano kung depektibo? Hindi lang ‘yon, nag-deliver ang Pharmally ng 500,000 surgical masks sa gobyerno kahit wala pang purchase order (PO). Aba, advance din silang mag-isip.
Pero ang kontratang nakuha ng Pharmally, nasa P8 bilyon pa lang. Samantalang ang iniimbestigahan ng Senado eh tungkol sa pandemic response budget ng Department of Health na unang “sinita” ng Commission on Audit (COA) na P76 bilyon.
Kabilang nga sa natisod dito ng Senado eh ang paglipat ng DOH ng P42 bilyon pondo sa Procurement Service ng DBM. Kaya ang tanong, may iba pa kayang mas sakalam sa Pharmally na nakakuha rin ng iba pang kontrata, o lubos na talagang pinagpala ang Pharmally na siksik, liglig, at umaapaw ang natanggap na biyaya?
Sabi nga ibang mahuhusay na negosyante, in every crisis (gaya ng pandemic), there is opportunist, este opportunity pala.
Malay natin, baka naman talagang buwenas lang ang Pharmally? O baka naman matulungin lang talaga ang DBM at DOH, at nagbibigay sila ng bilyong kontrata sa mga kompanya kahit maliit lang ang kapital. Sana nga lang… all.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)