Sa kabilang ng mga naitalang pagguho ng lupa at baha sa probinsya ng Romblon, inanunsyo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na nakapagtala sila ng ‘Zero Casualty’ sa pananalasa ng bagyong Jolina.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Christian Ramilo ng PDRRMO, wala silang naitalang nasawi o nawala sa buong panahaong naramdaman sa probinsya ang hagupit ng bagyong Jolina. Sinabi nitong nagpapatunay lamang na na nakapaghanda ang probinsya sa bagyong Jolina.
Nagsasagawa na rin umano ang PDRRMO sa pakikipagtulungan ng mga MDRRMO sa iba’t ibang bayan ng rapid needs assessment upang malaman ang pinsala ng bagyo pagdating sa agrikultura at imprastraktura sa probinsya.
Sinabi ni Ramilo na may mga naitalang pagguho ng lupa sa mga kalsada na sakop ng mga bayan ng Cajidiocan, Calatrava, Looc at Santa Fe ngunit sa ngayon umano ay nadadaanan na umano ang mga ito matapos makapagsagawa ang mga LGU ng clearing operations.
Samantalang may mga napinsala rin umanong mga agrikultura at imprastraktura sa bayan ng Banton.