Pinagbabawalan na ang paglalayag ng mga pampasahero at pribadong mga sasakyang pandagat sa probinsya ng Romblon dahil sa nakataas na banta ng bagyong Jolina sa probinsya.
Sinabi ni Christian Ramilo ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office na simula nang itaas ang tropical cyclone wind signal #1 sa lalawigan ay automatic na kinasela na ang biyahe ng mga bangka at barko sa lalawigan.
“Sa ngayon, as per regulation po natin. Automatic po na ‘yung sea transportation kapag may signal ay cancelled na,” ayon kay Ramilo.
Wala pa naman umanong ulat na dumarating sa kanilang opisina na may mga na stranded sa mga pantalan sa probinsya kasunod nang pagkakansela ng mga biyahe sa dagat dahil sa bagyo.
Samantala, nakahanda na rin umano ang PDRRMO at ang mga MDRRMO sa probinsya sa paglapit ng bagyong Jolina sa probinsya.
“Naka-standby na po kami at nagmomonitor sa galaw ng bagyong Jolina. Nakikipag-ugnayan na rin kami sa mga MDRRMO lalo na sa mga bayan na nasa ilalim ng Signal #2 sa ngayon,” pahayag ni Ramilo.
“May mga nakahanda na po kaming food packs at relief goods sa opisina at meron rin pong naka standby sa Department of Social Welfare and Development,” dagdag pa nito.
“Paalala lang po lalo na sa mga malapit sa seashore na kung maari ay maghanda dahil hindi natin inaasahan itong bagyong Jolina. Mag-ingat rin ‘yung mga nasa landslide prone areas at mga nasa bahay na malapit sa ilog,” paalala nito sa publiko.
Kaninang alas-7 ng umaga, huling namataan ang mata ng bagyo sa coastal waters ng Almagro, Samar taglay parin ang lakas na 120 km/h malapit sa gitna at bugsong aabot sa 150 km/h. Gumagalaw ito patungong West Northwestward sa bilis na 15 km/h.