Mapag-uusapan ngayong Huwebes sa pagpupulong ng mga alkalde sa Romblon kasama ang mga provincial officials ang naitatalang pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa probinsya.
Sa isang panayam sa Teleradyo, sinabi ni Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic, miyembro ng Provincial IATF, na magpupulong ngayong araw ang mga alkalde patungkol sa nararanasang sitwasyon sa lalawigan at kung kailangan ba magpalit ng quarantine status na kasalukuyang nasa MGCQ (Modified General Community Quarantine).
“Magkakaroon kami ng meeting maya-maya rin ng mga mayors kasama ang mga provincial officials tungkol sa sitwasyon na yan [Covid-19 surge] wether may need po na maghigpit po o mag-change ng aming [quarantine] status,” pahayag ng alkalde.
Batay sa huling tala ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit kahapon, September 29, nakapagtala ang lalawigan ng karagdagang 22 aktibong kaso ng Covid-19 dahilan upang umakyat sa 354 ang aktibong kaso na nagpositibo sa RT PCR testing.
Sa bilang na ito, 25% ay may mild symptoms at 3% naman ang may moderate symptoms.
Hindi pa kasama sa bilang na ito ang mga positibo sa rapid antigen testing.