Habang may mga nangangamote at nawarak sa report ng Commission on Audit (COA), napansin ng mga ayudanatics nating kurimaw ang mabagal daw na paglilikas sa mga kababayan nating OFWs sa Afghanistan. Tanong nila: dapat na nga kayang magkaroon ng OFW Department?
Taliwas kasi sa inaasahan ng ibang bansa [maging ng Amerika] na baka abutin pa ng ilang buwan kung sakaling maagaw man ng “rebeldeng” Taliban ang kapangyarihan sa Afghanistan, aba’y bigla itong nangyari sa loob lang ng ilang linggo.
Kasama ngang sinisisi ang Amerika sa pagbagsak ng Afghanistan sa Taliban dahil inalis na nila ang kanilang puwersa doon. Ang deklarasyon ng Amerika, sisibat na sa Afghanistan ang lahat ng kanilang tropa sa Setyembre 11, na pang-drama sana sa paggunita ng Sept. 11 Attack sa kanila ng Al Qaeda.
Pero hindi mo naman masisisi ang US, bakit nga naman isusugal ng Amerika ang buhay ng kanilang kababayan doon kung nakikita nila na tila hindi naman kayang suportahan ng nakaupong liderato ng Afghanistan ang kaniyang bansa.
Katunayan, ang biglang pag-eskapo ng kanilang presidente ang isa sa mga dahilan kaya parang naging a walk in the park ika nga ang pagpasok ng Taliban sa kanilang kapitolyo na Kabul…at boom! Kandarapa na sa airport para makaalis ang mga dayuhan doon [kabilang ang mga Pinoy] at maging ang mga Afghan na takot sa bagsik ng Taliban.
Konting balik-tanaw tayo mga tropapips, sinalakay ng Amerika at friendly forces nila ang Afghanistan na kontrolado noon ng Taliban, na nangyari 20 taon na ang nakalilipas. Sinasabi kasing kinakanlong at doon plinano ng Al Qaeda ang pag-atake sa Amerika.
Napatalsik nila ang Taliban pero nagpatuloy sa pakikipaglaban. Kilalang mahigpit at brutal ang Taliban sa kanilang mga kababayan kaya takot ang marami nang makabalik sila ngayon sa kapangyarihan.
At alam din ng mga Pinoy na nagtatrabaho doon ang bangis ng Taliban kaya sila nagmamadali ring makalabas ng Afghanistan. Pero makalipas ang isang linggo mula nang makontrol ng Taliban ang Afghanistan, sinasabing nasa 80 OFWs pa rin ang nandoon at hindi pa naililikas.
Aba’y nasa 130 lang pala ang Pinoy doon.
Ang iba, nakaalis ng Afghanistan sa tulong ng kompanya na kanilang pinagtatrabahuhan o kaya naman eh kusang dumiskarte at natulungan na ibang bansa na naglilikas din ng sarili nilang kababayan. Tanong ng mga ayudanatics, bakit ang tagal mailikas ng mga Pinoy gayung nasa 80-90 na lang kanilang bilang?
Papaano na lang kaya kung mangyari ang ganitong sitwasyon sa isang bansa na daang libu ang mga OFW tulad sa Saudi Arabia? Hindi raw ba naging advance mag-isip ang mga nakatokang opisyal at wala silang nailatag na mabilisang repatriation plan?
Mabuti na lang daw at parang nag-“change image” ngayon ang Taliban at hindi naging war freak. Kahit papaano eh kalmado sila at hindi basta pinapatay o pinupugutan ang mga nakikitang dayuhan o Kristiyano. Iyon din kaya ang dahilan kaya medyo nagiging “easy-easy” ang mga opisyal sa paglikas sa mga OFW?
Eh papaano kung biglang magbago ang ihip ng hangin?
Kaya naman may mga nagtatanong kung panahon na kaya para magkaroon ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF) na siyang tututok sa mga problema ng OFWs tulad ng nangyari ngayon sa Afghanistan.
Kapag nga naman mabilis kumilos at nailikas ang mga OFW, aba’y dapat purihin. Pero kung ganitong nganga at umaasa lang sa dayuhan ang paglikas sa ating mga kababayan, ang aba’y dapat warakin.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)