Sa pagsirit na naman mga tropapips ng mga naoospital dahil sa COVID-19, marami na naman ang mabubutas ang bulsa lalo na ang mga madadala sa mga pribadong ospital at may comorbidities pa.
Ang isa sa mga sinasandalan ng mga pasyente kapag naospital eh ang PhilHealth, dahil sinasagot nila ang “bahagi” ng gastusin sa ospital. At malamang, baka ang mga taga-PhilHealth eh kakaba-kaba rin ngayon kung gaano na naman kalaki ang magiging utang nila sa mga ospital–lalo na sa pribadong sektor.
Kung totoo ang sinabi kamakailan ng isang opisyal ng Philippine Hospital Association, aba’y naglalaro na raw sa P10 bilyon hanggang P20 bilyon ang utang sa kanila ng PhilHealth.
May kasalukuyang “pneumonia cases” package ng PhilHealth para sa COVID patient na mula P43,997 hanggang P786,384. Pero maliban dito, wala nang maasahan ang pasyente, lalo na ang mga may “comorbidities” o dati nang maysakit na palalalain ng komplikasyong dulot ng virus.
Kaya may mga pasyente mga tropapips na gumaling na sa COVID-19 pero inaabot pa rin ng isa hanggang tatlong buwan sa ospital dahil ginagamot ang komplikasyon na tumama sa kanila. Ang bulong ng iba nating kurimaw na may mga kakilala na nagkaroon ng ganitong kaso, umaabot ng P2 milyon hanggang P4 milyon ang gastusin sa pribadong ospital.
Aba’y kahit masagad ng pasyente ang “pneumonia cases” package ng PhilHealth na P786,384, saan kaya hahagilapin ng pamilya niya ang balanse kung karaniwang manggagawa lang siya o kahit pa middle class?
Siguro tatanungin ng iba: “Eh bakit ipinasok kasi sa pribadong ospital?” May mga kaso kasi mga tropapips na simpleng pulmonya lang na inaakalang madaling magagamot. Ang problema, mayroon mga insidente na lumalala ang pasyente lalo na kung may “comorbidities.”
Ang iba naman tulad noong panahon na sumipa rin ang COVID cases noong Abril na punuan ang mga pampublikong ospital, wala na silang pagpipilian kung hindi ipasok sa pribado ang kanilang pasyente kung may bakante.
At hindi ito imposibleng mangyari uli mga tropapips ngayong mahigit 80,000 na naman ang mga aktibong kaso, at nasa 1.6 percent ang severe cases at 1 percent ang critical na kailangan maospital.
Tulad sa kaso ng kakilala ng isa nating kurimaw na matapos abutin ng dalawang buwan sa private hospital at umabot sa P3 milyon ang babayaran, gumaling na ang pasyente pero hindi pa rin makalabas dahil may balanse pang mahigit P1 milyon na kailangang bayaran.
Iyan ang mahirap mga tropapips kapag hindi rin makasingil sa PhilHealth ang mga pribadong ospital, ang mga pasyente ang kanilang pipigain na makapagbayad para matustusan din ang gastusin sa operasyon ng pagamutan at suweldo ng mga tauhan.
Noong nakaraang buwan, ibinida ng PhilHealth na tataasan daw nila ang COVID-19 benefit package. Pero mahigit isang buwan na eh wala pang balita kung magkano ang idadagdag nila. Posibleng good news ‘yon sa mga pasyente pero ganundin kaya ang dating sa mga ospital?
Hirit nga ng iba pa nating kurimaw, bukod sa dagdag na COVID-19 benefit package, mas maganda rin sana na maglaan ng “comorbidities” package ang PhilHealth para matulungan din ang mga pasyente na patuloy na gagamutin sa komplikasyon na inabot nila sa COVID.
Kaya lang kung baon sa utang PhilHealth gaya ng sinasabi ng PHA, hindi kaya kailangan din ng PhilHealth ang help para makapagbayad? Naku po! ‘wag naman sana.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)