Sa pinakahuling State of the Nation Address (SONA) ni President Mayor Digong Duterte, idiniga uli niya sa mga mambabatas na ipasa na ang panukalang batas na magtatatag ng kagawaran na tututok sa mga pangangailangan ng mga overseas Filipino workers (OFWs).
Sa ngayon mga tropapips, nakalusot na sa mga kongresista, o sa Kamara de Representantes ang naturang panukala na lilikha ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos (DMWOF).
Kaya ang bola ika nga eh nasa court ng mga senador o sa Senado, dahil nakabinbin pa sa kanila ang panukala at kanila pang pinagdedebatihan sa plenaryo.
Pero dahil sa filing na ng certificate of candidacy sa Oktubre, at magiging abala na mga mambabatas sa pangangampanya, marami ang nag-aalala kung maipapasa pa kaya ang naturang panukala kahit na photo finish.
Sakaling maaprubahan kasi sa Senado ang panukala, posibleng dumaan pa uli ito sa debate sa bicameral conference committee, o pagpupulong ng ilang kongresista at ilang senador kung mayroong mga probisyon na hindi magkatugma.
Pero kung wala namang problema, aba’y may sapat na panahon pa naman ang Kongreso para maratipikahan ito at pirmahan ni President Mayor Digong upang maging ganap na batas, at makakasama sa ika nga eh “legacy” ng Duterte administration.
Ngunit ang malaking tanong–aaprubahan kaya ng Senado ang panukala?
Kabilang sa mga puna ng mga kritiko ng panukala ay ang pagdadagdag na naman sa burukrasya sa pamahalaan dahil sa pagtatayo ng bagong kagawaran. Bakit daw magtatayo ng bagong ahensiya gayung may ahensiya nang nandiyan at kailangan lang pukpukin para kumilos.
Ang katwiran naman ng mga pabor sa panukala, may mga ahensiya nga, kalat-kalat naman dahil nakapailalim sa iba’t ibang kagawaran. At kung minsan, nagtuturuan pa umano ang mga ahensiya kung sino ang dapat kumilos sa problema ng isang OFW.
Kaya mas makabubuti raw na may isang kagawaran na itatayo at doon ilalagay at pagsasama-samahin ang lahat ng ahensiya na may kinalaman sa mga OFW at maging sa mga Pinoy na naninirahan na sa ibang bansa.
Kabilang sa mga ahensiya na ililipat sa DMWOF ang National Reintegration Center na nasa ilalim ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA); ang Philippine Overseas Labor Offices (POLO), ang International Labor Affairs Bureau, at National Maritime Polytechnic na nasa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE); ang Office of the Undersecrertary for Migrant Workers’ Affairs na nasa ilalim ng Department of Foreign Affairs; ang International Social Services Office na nasa ilalim ng Department of Social Welfare and Development; ang Commission on Filipinos Overseas na nasa ilalim ng Office of the President; at magiging attached agency naman ang OWWA.
Pero kung maganda naman ang layunin sa planong paglikha ng DMWOF, bakit maging ang ilang grupong tumutulong sa mga OFWs eh hindi lubos na sang-ayon sa panukala? Ayaw ba nila sa panukala o ayaw lang nilang maipasa ito sa kasalukuyang administrasyon?
Ang hirit pa mga tropapips ng mga pabor sa panukala, kung may sariling kalihim ang DMWOF, siya ang mananagot kung may palpak at pupurihin kung may tagumpay.
Ngunit anuman ang maging pasya ng mga mambabatas, partikular ang mga senador dahil nasa court nila ang bola, dapat din sigurong isaalang-alang na ngayong panahon ng pandemic, ang mga ipinapadalang pera pa rin ng mga Pinoy na nasa abroad sa pamamagitan ng remittance ang nagsasalba sa ekonomiya ng Pilipinas, na kasamang ginagastos sa pagpopondo ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, kabilang ang Lehislatura.
In short, kung anuman ang maging desisyon nila, aba’y dapat ika nga eh for the best interest ng mga OFW.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)