Inilunsad ng lokal na pamahalaan ng Corcuera kamakailan sa pakikipagtulungan ng iba’t ibang tindahan sa Simara Island ang ‘Diskwento Para sa Bakuna’, isang programang magbibigay ng diskwento sa mga bakunang indibidwal na bibili sa mga nakilahok na tindahan.
Ayon sa Rural Health Unit ng Corcuera, kailangan lang ipakita ng isang bakunadong indibidwal ang kanilang vaccination card para makakuha ng diskwento sa bibilhing paninda.
Sa ngayon, may 7 tindahan at kainan sa isla ang nakilahok sa programa ng lokal na pamahalaan.
Layunin ng programa na mas maparami pa ang mahikayat sa isla na magpabakuna laban sa coronavirus disease 2019 upang maabot na ng bayan ang herd immunity na inaasam ng lahat.
Base sa datus ng Corcuera RHU, aabot na sa 800 katao ang nabakunahan na first dose ng Covid-19 vaccine sa bayan at kahalati rito ay nabigyan na ng second dose ng bakuna.