Wala ng scheduling sa mga gustong magpabakuna sa bayan ng Cajidiocan sa Sibuyan Island, Romblon, ito ang sinabi ni SB Greggy Ramos, Focal Person ng Covid-19 Task Force ng bayan.
Aniya, ang mga gustong magpabakuna na pasok sa A1 hanggang A4 category ay maaring pumunta lamang sa vaccination site at pumila para agad na mabakunahan.
Sinabi rin nito na Cajidiocan RHU, Cajidiocan LGU at Cajidiocan Task Force Covid ay nagkaisa para sa nasabing istratehiya para mas mapabilis ang pagbabakuna sa bayan.
“Basta qualified A-4 at gusto magpa vaccine wala ng kuskusbalugos, wala ng pagpapahirap sa ating mga kababayan, pumunta na sa RSU Covered court para kayo mabakunahan,” ayon sa facebook post ni Ramos.
Isa ang bayan ng Cajidiocan sa agad na nagbakuna ng mga kasama sa A4 category matapos bigyan ng go signal ng Department of Health.
Simula noong Martes hanggang kahapon, nakapagbakuna na sila ng mahigit sa 400 na mga kabilang sa A4 category.
Matatandaan na noong August 3, aabot sa mahigit 6,000 dose ng Sinovac Covid-19 vaccines ang dumating sa probinsya na ipapamahagi sa iba’t ibang munisipyo rito kabilang na ang bayan ng Cajidiocan.