Iniulat ngayong Martes ng DOH-Centers for Health Development Mimaropa na meron nang naitalang kaso ng Delta variant ng Covid-19 sa lalawigan ng Romblon.
Batay sa Regional Covid-19 case tracker na may petsang August 22, kinumpirma ng Philippine Genome Center na dalawa sa mga specimen na pinadala sa kanila mula sa Romblon ang positibo sa Delta variant.
Ang dalawang kaso na ito ay pawang mga local case o walang travel history.
Samantala, 13 na specimen mula sa lalawigan na sinuri rin ng Philippine Genome Center ang nagpositibo sa Alpha variant at 11 naman ang nag positibo sa Beta variant.
Ayon sa DOH-CHD Mimaropa, August 2 pa kinuha ang mga specimen ng 26 na kasong ito kaya nagsasagawa pa sila ng verification sa kalagayan ng mga pasyenteng may VOC o variants of concern.
Hindi pa nagbibigay ng pahayag ang Provincial Government at ang Provincial Health Office kaugnay sa mga kasong ito at kung saang mga lugar ito sa lalawigan.
Sa ngayon, may 242 aktibong kaso ng Covid-19 ang probinsya at lahat ito ay pawang mga local cases.