Ngayong napapadalas na ang pag-ulan, kakaba-kaba na naman malamang mga tropapips ang mga pamilyang tinamaan ng nakamamatay na dengue dahil baka may mabiktima na naman sa kanila.
Kamakailan lang, aba’y parang masaya ang Department of Health sa datos na ibinida nila dahil nabawasan daw nang malaki ang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon.
Noong 2019, parang COVID-19 ang sakit ng ulo na idulot ng dengue dahil sa dami ng nabiktima ng mga lamok na mukhang “tigre” dahil sa batik-batik na kulay sa katawan nito–ang Aedes aegypti .
Sa dami nga ng dengue cases noong 2019, nagdeklara na national emergency ang pamahalaan. Aba’y umabot sa 437,563 ang naitalang kaso sa naturang taon, at nasa 1,689 ang namatay.
Halos doble ang naturang bilang sa naitala noong 2018 na mahigit 200,000 at mahigit 1,000 ang namatay.
Pero nang magkaroon ng lockdown mga tropapips noong 2020 dahil sa COVID, nabawasan ang mga kaso ng dengue. Parang nagkulong din sa lungga nila ang mga lamok at natakot sa virus na original na nanggaling sa China.
Batay sa nakita nating mga ulat, mula Enero hanggang Agosto 2020, nagkaroon ng 59,675 na dengue cases at 231 ang nasawi.
Kung ikukumpara nga naman sa kaso ng 2019, mapapapalakpak ka sa tuwa dahil malaki nga naman ang ibinaba ng bilang ‘di ba?
At ngayong 2021, may ulat na mula Enero hanggang Abril, mayroong 21,478 na dengue cases at 80 naman ang nasawi, na mas mababa pa rin naman kumpara sa 2020.
Ang malungkot lang mga tropapis sa naturang bilang, nasa mahigit 21,000 katao pa rin ang naospital at 80 buhay pa rin ang nasayang. Sabi nga pagdating sa buhay ng tao–ang bawat isa ay mahalaga. At dahil hanggang Abril pa lang ang datos, asahan na tataas pa yan.
Kaya naman kahit busy ang DOH at mga lokal na pamahalaan sa COVID, hindi pa rin nila dapat pabayaan ang dengue ngayong unti-unti nang niluluwagan ang galaw ng mga tao. Baka kasi pati ang mga lamok eh unti-unti na ring mas maging aktibo kapag nakita nilang mayroon na naman silang “makakagat” tulad sa mga nagpupunta sa mga parke at iba pang pasyalan.
Dapat din sigurong pag-aralan na pamahalaan ang mungkahi ni ANAKALUSUGAN party-list Rep. Mike Defensor, na sumali ang Pilipinas sa World Mosquito Program, kung saan nagpapakawala ng mga lamok na armado ng “Wolbachia bacteria” na panlaban sa dengue virus.
Kabilang sa mga bansa na kasama sa naturang programa ang Indonesia, Vietnam, Sri Lanka, Australia, Fiji, Kiribati, New Caledonia, Vanuatu, Brazil, Colombia at Mexico.
Ang sistema, magpapakawala ng mga lamok na may “Wolbachia bacteria,” at aanakan nila ang mga lamok na may dengue virus. Ang magiging anak nila, mawawalan ng dengue virus hanggang sa mawala na ang lamok na may taglay na nakamamatay na virus.
Sa lumalabas na pag-aaral tungkol sa programa, bumaba raw ng 77% ang kaso ng dengue sa mga lugar na may pinakawalan ng mga lamok na Wolbachia bacteria. Kaya kung totoo ang resulta ng pag-aaral, aba’y ano pang hinihintay nila?
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)