Nagsimula ng ipamahagi ang mga payout ng aabot sa 400 na benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Disadvantaged/Displaced Worker (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) Romblon sa bayan ng Odiongan.
Sinaksihan ito ni DOLE Provincial Director Carlo Villafores kasama si Mayor Trina Firmalo-Fabic.
Ayon sa DOLE-Romblon, ang pagbibigay ng payout sa mga benepisyaryo ay gagawing per barangay upang mapatupad ang physical distancing at masunod ang iba pang safety health protocols.
Ang mga benepisyaryo ng DOLE Tupad ay nagtrabaho sa ilalim ng programa sa loob ng 10 araw at tumanggap ng sahod na nagkakahalaga ng P320 kada araw.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang barangay ng bayan at nagtrabaho kagaya ng paglilinis sa mga kalsada, pagtatanim, pagdadamo, at iba pang trabaho na ipinagawa sa kanila ng barangay at ng LGU.