Mahaharap sa kaukulang kaso ang isang pulis sa bayan ng Magdiwang, Romblon na nagwala sa loob ng isang vaccination facility noong nakaraang Huwebes, July 29.
Sa ulat ng Romblon PPO, tanghali umano ng July 29 nang tumungo si Patrolman Jerick Recto Rocha, 28, sa Public Auditorium sa Barangay Poblacion, Magdiwang, para hanapin ang kanyang live-in partner.
Nang makita umano nito ang hinahanap, sinubukan umano nitong hilahin ang kanyang live-in partner para ilabas sa lugar ngunit nangpapigil ang babae at dito na di umano nagwala ang pulis.
Nagsisigaw umano ito at nakuha ang atensyon ng mga tao sa lugar.
Sinubukang pigilan ng mga kasamahang pulis si Rocha ngunit nahirapan umano umano sila matapos itong magpumiglas kaya nila ito pinusasan at dinala sa kulungan.
Nakasaad sa report ng Romblon PPO na nakainum umano ang pulis nang mangyari ang kaguluhan sa nasabing vaccination facility.
Samantala, ayon kay Ledilyn Ambonan, public information office ng Romblon Police Provincial Office (PPO), posibleng mahaharap rin sa kaukulang kasong administratibo ang nasabing pulis na ngayon ay naka-assign sa San Fernando Municipal Police Station.
Sinabi rin ni Ambonan na may pending case rin umano ito sa Magdiwang MPS noong June 24, 2021 bago siya inilipat sa San Fernando MPS.