Pwede paring humingi ng negative RT-PCR test results ang mga Local Government Unit (LGU) sa mga fully vaccinated individual na papasok sa kanilang lugar.
Ito ang inanunsyo ni Presidential Spokeperson Harry Roque nitong Biyernes.
Aniya, napagdesisyunan ito sa pagpupulong ng mga miyembro ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases noong July 8.
Nasa kamay umano ng mga lokal na pamahalaan kung maghahanap parin sila ng negative RT-PCR result sa mga papasok sa kanilang lugar mula sa ibang probinsya kahit ito ay fully vaccinated na.
“For interzonal travel LGUs may accept COVID-19 vaccination cards issued by a legitimate vaccinating authority, whether local or foreign as an alternative to RT-PCR testing requirement. LGUs retain the discretion in requiring RT-PCR testing,” pahayag ni Roque.
Mananatili naman umano ang ibang probisyon ng Resolution No. 124-B katulad ng pagpayag sa mga fully vaccinated senior citizens na nasa GCQ at MGCQ na lumabas ng kanilang bahay.
“These vaccination cards shall be sufficient proof of vaccination and any individual who shall present forged and/or falsified vaccination cards shall be dealt with in accordance with the law,” pahayag pa nito.