Nagsimula na ngayong araw ang Philippine Identification System (PhilSys) Step 2 Registration sa opisina ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa bayan ng Odiongan at sa Romblon, Romblon.
Ayon kay Engr. Johnny Solis, OIC-Provincial Statistics Officer, ang Step 2 registration ay ang pagkuha ng fingerprint at iris data gayun rin ang pagkuha ng front-facing photographs sa mga gusto magparehistro.
Sinabi ni Solis na handa umanong tumanggap ang kanilang opisina ng hanggang 100 katao kada-araw.
Sa paglulunsad ng Philsys Step 2 Registration ngayong araw, ang mga barangay officials ng bayan ng Odiongan kasama ang ilang Local Civil Registrars sa probinsya ang kauna-unahang nakuhaan ng data.
Target rin ng PSA na makuhaan ng fingerprint at iris data gayun rin ang aabot sa 10,000 na mga residente ng Odiongan na nakuhaan na nila ng demographic information sa ginawa nilang pilot registration sa iba’t ibang barangay noong mga nakaraang buwan.
Para makapagparehistro, sinabi ni Solis na kailangang makipag-ugnayan muna sa kanilang opisina sa pamamagitan ng pagtawag sa kanilang hotline o di kaya sa kanilang Facebook page upang mabigyan ng schedule ng pagpunta.
Bukas ang registration desk ng PSA sa Romblon mula alas-7 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon tuwing Lunes hanggang Sabado.
Batay sa datus ng PSA, nitong Hunyo aabot na sa 2,072,247 ang mga Pilipino na nakapagpatala para sa online na Step 1 Registration na inilunsad noong ika-30 ng Abril.
Nilagdaan ng batas ni Pangulong Rodrigo R. Duterte noong Agosto 2018, ang Republic Act 11055, o ang Philippine Identification System Act, na naglalayong magtatag ng isang National ID para sa lahat ng mga Pilipino at resident aliens.