Isang artist na Romblomanon, at kanyang asawa, ang ilan sa napili ng gobyerno ng Dubai na mabigyan ng 10-year Cultural Visa kamakailan.
Nang ibalita ng Dubai na bibigyan nila ng cultural visa ang aabot sa 1,000 na mga artists noong Pebrero, agad kinuha ni John Paul Faderogao ang pagkakataong maging bahagi siya nito.
Si John Paul Faderogao ay isang Filipino artist na mula Sibale, Romblon na nagtatrabaho ngayong sa Dubai.
Hilig niya ang gumuhit lalo na pagdating sa mga landscapes at portraits. Ang kanyang mga gawa, ibinibida niya sa iba’t ibang exhibitions at competitions sa Saudi.
Noong 2019, kinilala siya matapos manalo sa Waterfront Market Mural Competition, isang sponsor-event ng Dubai Culture.
“Swerteng napasama sa category ang artist. Wala naman mawawala kaya sinubukan ko po mag-apply for accreditation. Nung malaman ko po na na-grant po ako ng Dubai Culture ng accreditation, pinapunta na po nila ako sa GDRFA sa Jafiliya para umpisahan ang proseso,” pahayag ni Faderogao sa The Filipino Times.
Maliban sa kanya, nabigyan rin ng 10-year visa ang kanyang asawa.
Sinabi niya na bukod sa pangmatagalang pamamalagi sa Dubai, madaling rin umano silang makakapag-sponsor ng kanilang kapamilya na dadalhin sa UAE.
“Malaking tulong po para sa mga kagaya kong freelance artist. Bukod sa malaking matitipid sa visa fee pati narin po sa oras na gugulin kada dalawang taon para sa renewal, malaking bagay po yung pwede ko nang mabisahan ang pamilya ko,” pahayag nito.
Ipinahayag ni Faderogao ang kanyang pasasalamat sa gobyerno ng UAE sa pagbibigay ng pagkakataon sa mga artista na tulad niya na manatili sa bansa ng 10 taon kasama ang kanyang pamilya.