Naaresto ng mga tauhan ng Odiongan Municipal Police Station sa Taguig, Metro Manila ang lalaking wanted sa bayan ng Odiongan dahil sa kasong rape in relation to Republic Act 7610.
Kinilala ng pulisya ang suspek na si Alvin Fere-ira, residente ng Barangay Tuburan.
Sa panayam ng Romblon News Network kay PSSg Raymond Rombines, ang suspek di umano ay nagtago sa Mindoro at kalaunan ay natuntun sa Taguig at nagbebenta ng lutuin gamit ang food cart.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng isang warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 82 sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Naiulat noon ng pahayagang ito na ang suspek ay itinuturong nanggahasa di umano sa isang 17-anyos na dalagita noon sa nasabing barangay.
Ayon sa biktima, bandang alas-2 ng madaling araw ng magising umano siyang may lalaki ng nakapatong sa kanyang katawan. Binantaan umano ng lalaki ang biktima na papatayin kung sakaling sumigaw o magsumbong kaya nanahimik ito.
Nakatakas lang ang biktima matapos di umanong magising ang isa sa kanyang pinsan na nasa tabing kwarto ngunit nakatakas umano agad ang nasabing lalaki at nakatakbo palabas ng bahay.
Itinanggi na noon ng suspek ang nangyari, wala umano siyang kinalaman sa nangyaring panghahalay at nasa bahay lang umano siya buong magdamag nagbabantay ng kanyang mga inaalagaang manok.
Nakakulong na ngayon ang suspek sa Taguig at inaasahang ibabiyahe pabalik ng Romblon para iharap sa korte.
Piyansang P200,000 ang inirekomenda ng korte para sa pansamantalang kalayaan ng suspek.