Pinagkalooban ng Department of Trade and Industry (DTI) ng Safety Seal ang dalawang establisyemento sa bayan ng Odiongan, Romblon bilang pagtalima nila sa minimum public health standards (MPHS) na pinatutupad ng Gobyerno.
Ang dalawang establisyemento ng Yanneyes Builders, Inc ang kauna-unahang nabigyan ng seal sa probinsya ng DTI ayon kay Romblon Provincial Office Provincial Director Noel Flores nitong Martes, June 22.
Ayon kay Flores, ang safety seal certification ay isang kusang-loob na sertipikasyon na nagpapatunay na ang gusali ay sumusunod sa minimum public health standards na itinakda ng gobyerno at ginagamit. Mas magiging kampante umano ang mga customers na papasok sa mga establisyementong may safety seal.
Samantala, hinihikayat ni Flores ang iba pang establisyemento kagaya ng mga grocery at convenience stores, clubs, construction/hardware stores, logistic service providers, barbershops, salons, maging ang mga service and repair shops na kumuha ng safety seal.
Maliban sa DTI, ang mga ahensya rin ng DOLE, DOST, DILG, at ang mga lokal na pamahalaan ay inatasan rin ng pamahalaan na magsagawa ng Safety Seal inspection and assessment sa iba pang establisyemento.
Para sa mga nais mag-apply, bumisita lamang sa https://www.dti.gov.ph/safetyseal/.