Tinataya ng DOST Pagasa na hindi magkakaroon ng pagtama sa lupa at mananatili sa Dagat Pasipiko ang Bagyong Dante habang nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Batay sa mga rainfall accumulation simulation ng DOST Pagasa (sa loob ng tatlong araw mula Lunes at sa ilalim ng kasalukuyang forecast track ng Bagyong Dante) maaring magkaroon ng pulu-pulong pag-ulan sa Palawan at Katimugang Occidental Mindoro habang tumatawid sa Philippine Sea.
Gayumpaman, naghahanda ang Mimaropa Regional Disaster Risk Reduction Management (RDRRMC) kung sakaling magbago ng direksyon ang bagyo at tumawid ng kalupaan.
Sa ulat sa NDRRMC Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA) meeting kahapon, ini-report ng Mimaropa RDRRMC na maaring maapektuhan ang mahigit sa 13,000 pamilya kapag magkaroon ng malakas na pag-ulan sa mga mababa at bahaing lugar at maging sa tabing-ilog sa bandang Marinduque-Romblon area batay sa kanilang pagsusuri at karanasan sa Bagyong Quinta.
Kung maglilikas man, may mahigit sa 1,700 pamilya ang kailangan ilipat sa mga matataas na lugar batay pa rin sa nasabing pagtaya.
Kumatawan sa rehiyon sina Mimareopa RDRRMC Chairperson Ruben Carandang at OCD Assistant Regional Director Nieves Bonifacio.
Bukod sa pagtaya at mga kaugnay na epekto ng bagyo, iniulat na rin nila ang maagang pagpwepwesto ng mga suplay, kagamitan at mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), Southern Command, Western Command, Department of Health (DOH). Department of Information and Communications Technology (DICT)-Luzon Cluster III and Police Regional Office (PRO)-Mimaropa.
Ang mga paghahanda ng rehiyon ay susuriin muli sa gaganapng regional PDRA meeting na pangungunahan ng OCD-Mimaropa mamayang hapon.
Samantala, nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 sa Eastern Samar, Samar at Northern Samar samantalang TCWS No. #1 sa Masbate, Sorsogon, Albay, Catanduanes, Camarines Sur, Camarines Norte, at timog-silangang bahagi ng Quezon (Tagkawayan, Guinayangan, Buenavista, San Narciso, San Andres), Leyte, Southern Leyte, Biliran, at hilagang bahagi ng Cebu (Catmon, Sogod, Borbon, Tabogon, City of Bogo, Medellin, Daanbantayan, San Remigio, Tabuelan) kasama ang Bantayan at Camotes Islands, ang hilagang bahagi ng Surigao del Sur (San Agustin, Marihatag, Cagwait, City of Tandag, Bayabas, Tago, Cortes, Lanuza, Carmen, Madrid, Cantilan, Carrascal, San Miguel), ang hilagang bahagi ng Agusan del Sur (Sibagat), at hilagang bahagi ng Agusan del Norte (City of Cabadbaran, Santiago, Tubay, Jabonga, Kitcharao), Dinagat Islands at Surigao del Norte. (Lyndon Plantilla/PIA)