Bumisita sa probinsya ng Romblon nitong Biyernes, Hunyo 18, si Cabinet Secretary Karlo Nograles upang magturn-over ng mga relief goods para sa mga nasalanta ng nagdaang bagyong Dante sa lalawigan.
Dala ni Cabsec Nograles ang iba’t ibang relief goods kagaya ng bigas, tubig, gatas at iba pa, na ipinamahagi sa 7 bayan.
Kabilang sa nakatanggap ng tulogn ang mga lokal na pamahalaan ng Romblon, San Agustin, San Fernando, Looc, Ferrol at Odiongan kasama ang Pamahalaang panlalawigan.
Sa maikling programa na ginanap sa Romblon Provincial Government Extension Office, sinabi ni Cabsec na tumungo siya sa Romblon bilang kinatawan ni Pangulong Rodrigo Duterte upang makapagbigay ng tulong sa mga taga-Romblon.
Sinabi ng kalihim na bilang chairperson ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger, nung nalaman nila na may mga nasalanta ng bagyo, humingi agad siya ng tulong sa ilang non-government organizations upang makalikum ng dadalhin sa probinsya.
“Nandito po ako ngayon representing the President, para ipakita po talaga sa inyo na hindi po kayo nakakalimutan ni Pangulong Duterte. Nalaman namin ‘yung tungkol sa Dante, at nalaman namin ‘yung pagbaha — maraming naapektuhan,” ayon kay Nograles.
Sa pagbisita ng kalihim sa probinsya, tumungo rin siya sa opisina ng Tablas Island Electric Cooperative (TIELCO) upang alamin rin ang ilang naging pinsala ng bagyo pagdating sa elektrisdidad ng isla ng Tablas.