Huwag nang magtaka mga tropapips kung may mga lolo at lola na nagti-Tiktok na rin dahil kailangan talaga nilang maghanap ng mapaglilibangan sa bahay.
Ang isa nating kurimaw na hindi techie, napilitang bumili ng bagong cellphone para magkaroon ng sariling gadget ang ermat niyang 70-anyos na para malibang ng manonood sa Facebook o Youtube.
Mula raw kasi nang magkaroon ng pandemic, halos sa garahe na lang na umiikot ang mundo ng matanda at tila kabisado na ang schedule ng pagdapo ng mga ibon sa kable ng kanilang kuryente. In short, nabubugnot na si lola.
Paliwanag niya, hindi tulad ng mga bata na bawal din maglakwatsa pa pero maraming puwedeng gawin, ang mga senior, limitado na lang ang galaw sa bahay. Mabuti raw sana kung may bata na puwedeng pagkaabahan ng matatanda o kaya naman eh kung malawak na bakuran na puwedeng siyang makipagtagu-taguan sa mga nuno sa punso.
Ngunit kapag wala–nganga si lola.
Ang tanong, ilan pa kaya ang mga senior citizen na katulad ng lola ng kurimaw natin na nakatengga sa bahay, at tapat sa police bureau na sumusunod sa utos ng gobyerno na huwag munang lumabas para hindi mahawa ng COVID-19?
Sabagay, peligroso naman talaga ang mga senior kapag nahawahan ng virus dahil mahina na ang kanilang resistensiya. Batay nga sa nakita nating datos ng COVID cases sa bansa, kung nasa higit 90% ang tiyansa ng mga nasa edad 59 pababa na gumaling sa virus, ang mga nasa edad 60 pataas, nasa 88% lang.
Mas mababa pa ang tiyansang gumaling ng mga nasa edad 70-79 na 82%, at 77.% lang sa edad na 80 pataas.
Samantalang sa mga namamatay sa virus, ang mga nasa edad 50-59, 2.4% ang posibilidad na nasawi. Habang ang mga edad 60-69 eh 5.8% ang posibilidad na hindi na gumaling. Ang mga edad 70-79, mas peligroso na mawala sa 10.5% at lalo na ang mga nasa edad 80 pataas na halos 15%.
Kaya naman pangalawa sa listahan ang mga senior na dapat mabakunahan na agad ng COVID-19 vaccine. Para kung sakaling tamaan man sila ng virus, eh hindi na matindi ang epekto nito sa katawan nila na parang karaniwang ubo na lang.
Ang problema, marami sa mga senior ang ayaw din magpabakuna dahil sa takot na baka naman magkaroon ng hindi magandang side-effect ang bakuna at mas mapadali ang buhay nila.
Habang ang mga nabakuhan na, ang hiling naman ay baka puwede na silang payagang makalabas ng bahay at makagala para maalis ang pagkaburyong sa bahay.
Kaya lang mga tropapips, may pangamba naman na baka tamaan ng virus ang mga matatandang bakunado na kapag gumala at maging asymptomatic sila, at makahawa ng iba, o kahit ang mga kasama nila sa bahay na hindi pa kasama sa priority na dapat bakunahan.
Pero kung marami pa rin ang mga senior na ayaw o takot na magpabakuna, hindi kaya makakahikayat (o makapang-inggit) ang mga bakunadong senior sa kanilang mga ka-edad na pagpabakuna na kapag nalamang puwede na silang lumabas kapag bakunado na?
Ngunit anuman ang dapat gawin, hindi dapat kalimutan na alagaan ang kapakanan ng mga senior natin sa panahong ito ng pandemic. Sabi nga ni dating Senador Pong Biazon: “Tatanda rin kayo.”
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)