Habang isinusulat natin ito mga tropapips, wala pa tayong nadidinig na pahayag mula kina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine Czar Carlito Galvez Jr., kung magso-sorry ba sila dahil sa malaking sablay sa target nilang bilang ng mga maturukan ng COVID-19 nitong Abril.
Sa pagtatapos kasi ng Abril mga tropapips, masuwerte na kung dumakit man lang sa 2 milyon Pinoy ang maturukan nila ng unang doses ng bakuna. Ang iba nga, sa puwet na nagpapaturok para mahikayat ang iba na huwag matakot sa bakuna.
Ang bilang ng mga naturakan na sa Pilipinas, lumalabas sa mga ulat na mahigit lang sa isang milyon pa lang ang nabakunahan, na malayong-malayo sa ibinida noon nina Duque at Galves na 200,000 hanggang 400,000 bawat araw simula sa Abril. Kayo na ang mag-add kung ilang ‘yan sa loob ng 30 araw.
Ang naturang bilang daw ang kailangang magawa sa pagbabakuna sa bawat araw para makamit ang mas ambisyosong target na 70 milyon Pinoy bago matapos ang 2021. Iyan kasi ang bilang ng tinatawag nilang “herd immunity” sa Pilipinas; o ang bilang na pinaniniwalaang sapat na para tuluyang mapahina ang pagkalat ng virus na original na galing sa kaibigan daw natin na China.
Aba’y baka maunahan pa ng total COVID cases na mahigit na rin isang milyon ang bilang ng mababakunahan?
Siyempre, ang dahilan ng atrasadong pagbabakuna eh ang atrasado ring dating mga bakuna. Para na nga tayong namamalimos ng bakuna sa iba’t-ibang bansa kahit pa ipinagmamalaki noon na may pera tayong pambili mula sa kaliwa’t-kanang utang.
Dahil atrasado ang mga bakuna, hindi maiwasan ng ibang naturakan ng 1st dose kung maibibigay ba sa kanila ang 2nd dose sa tamang araw. Ngayon nga mga tropapips eh may mga nagmumungkahi nang pag-aralan kung puwedeng ibang brand ng bakuna ang ibigay na pang 2nd dose sakaling magkagipitan ng delivery.
Ngayon na sablay ng malaki ang target sa Abril, ano naman kaya ang planong target ng DOH sa mga susunod na buwan? Kung paniniwalaan na naman ang mga sinasabi ng mga opisyal, mukhang sa Hunyo pa raw magdadatingan ang milyon-milyon daw na bakuna.
May sinasabi pang kaya raw na gawin ang 500,000 a day na turukan kapag dumating na ang mga bakuna–repeat: kapag dumating na ang mga bakuna.
Pero bukod sa patak-patak lang ang dating ng mga bakuna sa Pilipinas, problema pa rin ang mahinang kompiyansa ng mga Pinoy sa bakuna. Batay nga sa huling survey ng Pulse Asia, kahit 94 porsiyento ng mga tinanong ang nag-aalala na tamaan sila ng COVID, aba’y 16 na porsiyento lang handang magpabakuna.
Samantalang ang 61 porsiyento, ayaw at 23 porsiyento ang hindi makapagdesisyon. At ang pinakaunang dahilan ng mga ayaw magpabakuna–hindi sila sigurado kung ligtas ang bakuna, na 84 percent.
Sa kung anong brand ng bakuna naman ang pipiliin ng mga Pinoy kung sakaling magpapaturok sila: una ang Pfizer (52%), Sinovac (22%), AstraZeneca (6%), Sputnik V (3%), at Johnson & Johnson, Sinopharm, Moderna, Cansino at Novavax.
Ngunit kahit pangalawa ang Sinovac sa mga pinili ng mga Pinoy na bakuna, lumitaw naman na kulelat ang China sa “trust ratings” ng bakuna na nakakuha lang ng 10%. Una ang Amerika na 44%, sunod ang Russia, 25%, UK, 22% at India, 11%.
Ang mga bansa na fully o nakapagbakuna na sa mga mamamayan nila, nagsisimula nang bumalik sa normal ang buhay. Tulad sa Israel na puwede nang hindi mag-face mask ang mga tao sa labas ng bahay basta outdoor o open space.
Sa Florida, USA, aba’y may live audience na laban sa UFC. Kaya tanong kay Doque, anong petsa na Boy? Galaw-galaw para wala nang pumanaw!
Kaya kung ang bakuna talaga ang solusyon para makabalik sa normal ang buhay ng mga tao, aba’y kumilos na dapat ang mga opisyal na dapat kumilos at mabitiw na ang hindi kaya ang trabaho para masubukan ang iba.
Tandaan: Ang tao’y nilalang na politiko at madalas ang politiko’y nanlilinlang ng tao! (Twitter: follow@dspyrey)