Tatlong serye ng Town Hall meeting kaugnay sa mga bakuna laban sa Covid-19 ang magkasunod na isinagawa ng Philippine Information Agency Mimaropa at DOH Center for Health Development (CHD) Mimaropa noong Mayo 19-21.
Ginanap ang naturang Town Hall para sa Covid-19 Vaccination Roll-Out ng Department of Education (DepEd), Bureau of Fire Protection (BFP), at Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa rehiyon.
Naging tagapakinig nito ang mga kawani ng bawat ahensya at naging paksa ng mga tagapagsalitang mga eksperto ang vaccination program kagaya ni Dr. Marion A. Kwek, Dr. Catherine Dela Rosa, at Dr. Christy Andaya.
Nagbigay rin ng mga tips si Mr. Arniel Ping kaugnay sa pag fact-check naman ng mga nababasang istorya online.
Maliban sa mga lectures, nagkaroon rin ng pagkakataon ang mga lumahok na makapagtanong sa mga eksperto kung saan ilan sa mga naitanong ay kung gaano kaepektibo ang mga bakuna na mayroon sa bansa.
Sa pahayag ni Dr. Catherine Dela Rosa, sinabi nito na ang mga bakuna na meron sa Pilipinas ay pantay-pantay sa kakayanan dahil makikita umano ang effectivity ng bakuna kung ito ay naiturok na sa marami.
Naitanong rin kung ligtas ba sa nagpapasusong ina ang pagbabakuna, at sinagot ito ni Dr. Dela Rosa na meron na aniyang mga nabakunahang mga buntis sa ibang bansa at noong nanganak naman sila ay wala naman umanong nakitang adverse effects pagkapanganak sa mga bata at nang sila ay pinapasuso.
Samantala, ibinahagi noong huling araw ng townhall meeting ni Dr. Matthew Medrano na aabot sa 52,659 katao ang nabakunahan na sa limang probinsya ng AstraZeneca at Sinovac vaccines sa rehiyon ng Mimaropa. Pinakamaraming nabakunahan ay sa Oriental Mindoro na umabot na sa 13,705 katao.