Sa pakikipagtulungan sa pamahalaang panlalawigan ng Oriental Mindoro, Calapan City LGU, Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC), ipriprisinta ang mga accomplishment ng administrasyong Duterte sa pamamagitan ng Pre-SONA (State of the Nation Address) na pinamagatang Pamana ng Pagbabago: Kasama Sa Pamana.
Dito ay itatanghal ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at ng National Economic Development Authority (NEDA) ang mga proyekto at serbisyong naibigay sa mga mamamayan ng Mimaropa ng administrasyong Duterte sa loob ng panunungkulan nito.
Isasagawa ito bukas ng umaga, ika-25 ng Mayo sa Bulwagang Panlalawigan, Lungsod ng Calapan, Oriental Mindoro.
Ang Pre-SONA ay serye ng forum na ginaganap sa bawa’t rehiyon upang ilahad ang mga naisakatuparan ng Duterte administration sa imprastraktura, ekonomiya, peace and order, at maging ang paglaban sa Covid-19. Ang huling SONA ng Pangulo ay sa ika-26 ng buwan ng Hulyo alinsunod sa itinakda ng Konstitusyon.
Inaasahan ang pagdalo nina Cabinet Officer for Regional Development & Security (CORDS) at Energy Secretary Alfonso Cusi, Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles at Philipline Information Agency (PIA) Director General Ramon Cualoping III.
Isasahimpapawid at ipapalabas sa facebook account ng Radio Television Malacanang (RTVM) ang buong kaganapan ng Pre-SONA sa Calapan City. Mapapanood din ito sa provincial FB pages ng PIA Mimaropa. (Lyndon Plantilla/PIA MIMAROPA)