Nagpalabas nitong Huwebes, May 27, ang lokal na pamahalaan ng Odiongan sa Romblon ng guidelines na dapat sundin ng mga mahihilig magbisikleta sa bayan sa gitna ng ipinatutupad na Community Quarnatine.
Ayon sa bagong guidelines, ang mga bikers ay dapat patuloy rin umanong sundin ang mga minimum health standards kapag nasa labas.
Kasama rito ang pagsusuot ng face masks, buff, at iba pang pantakip sa mukha kung nagbibisekleta para maprotektahan ang sarili.
Pinaiiwas rin ang mga bikers sa matataong lugar kagaya ng palengke, paaralan, mga park kasama na ang Odiongan Park Landmark at ang Children’s Park and Paradise.
Panatilihin rin umano ang layong 6ft mula sa ibang bikers tuwing nagbibisikleta.
Pinapayuhan rin ang mga bikers na iwasan ang pagdura at pagsinga sa harap ng mga riders, o sa mga mga taong naglalakad. Ang pagdadala umano ng panyo ay inirerekomenda sa mga bikers upang maiwasan ang ganitong pangyayari.
Ang lahat rin umanong mga bikers ay kaialangang maysuot na mga helmet, headgear, at iba pang protective head coverings kung lalabas. Ang mga bisikleta ay dapat rin umanong may mga reflectors, headlights, rear lights, at iba pang warning lights.
Ang mga may gustong sumama sa Group Cycling ay papayagan ngunit lilimitahan ang pwedeng sumama sa grupo sa hanggang 10 lamang para masigurong nagkakaroon ng espasyo at masunod ang health standards.
Kung sakaling magpapahinga habangnagbibisikleta, ang mga bikers ay pinapayuhan na magsuot ng mask at magobserba parin ng 6ft na layo sa ibang bikers.
Ang nasabing kautusan ay aprubado ng Local Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ng bayan ng Odiongan.