Pinayagan ng Mimaropa Regional Task Force Against Covid-19 ang kahilingan ng probinsya ng Romblon na magpatupad ng mandatory quarantine sa lahat ng uuwi sa probinsya na mga non-APOR o non-authorized persons outside residence mula May 15 hanggang June 15.
Kinumpirma ito sa pamamagitan ng Joint Resolution No. 14 na inilabas ng Regional Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases Mimaropa at ng Regional Task Force Against Covid-19 Mimaropa.
Sinasabi rito na ang pagpapatupad ng mandatory quarantine na siyang kahilingan ni Governor Jose Riano ay para maiwasan ang pagkalat ng Covid-19 sa probinsya.
Maalalang nagpadala rin ng parehong sulat si Odiongan mayor Trina Firmalo-Fabic sa National IATF kaugnay rin sa pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa bayan ng Odiongan kasunod ng pagluwag sa restriction ng mga umuuwing mga APOR.
Samantala, ayon sa Joint Resolution No. 14 ng Mimaropa RIATF, hindi kasama sa mga dadaan sa mandatory 14-day quarantine ang mga repatriated OFWs or Returning Overseas Filipino na nakatapos na ng kanilang 14-day mandatory quarantine pagpasok ng bansa.
Hindi rin kasama ang mga APOR na mananatili sa probinsya ng hindi baba sa 14 na araw.
Sa huling tala ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit ng Romblon noong May 11, aabot sa 54 na imported cases ng Covid-19 ang naitala sa probinsya ng Romblon.