Inanunsyo ng Department of Trade and Industry Romblon na ang lahat ng Negosyo Center sa lalawigan ay nagbukas ng S-PASS Registration Assistance Desk para sa mga biyahero na nais bumiyahe patungo sa ibang bayan at probinsya.
Maalalang simula noong ika-12 ng Mayo ay requirement na para makapasok ng mga pantalan ang mga pasahero ang pagkakaroon ng account sa S-PASS Travel Management System.
Ang S-PASS Travel Management System ng DOST ay mahigpit na gagamitin bilang one-stop-shop application / komunikasyon para sa mga pasahero sa mga pantalan sa ilalim ng PPA.
Sinabi ng Director ng DTI Romblon na si Ginoong Noel Flores na bilang isang importanteng tulong, ang paglalagay ng helpdesk na ito ay makakagaan sa pagrehistro at pagkuha ng mga mamamayan ng tamang impormasyon o prerekwisito sa pagbyahe.
Pinaalala din ni Flores ang pagsunod at pagtalima sa Minimum Health Protocol sa tuwing magproproseso at papasok sa opisina tulad ng pagsuot ng Face Mask, Face Shield at pagdistansya ng isang metro.
Ang nasabing Help Desk ay bukas Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 nga hapon sa opisina ng Negosyo Center sa mga sumusunod na Munisipyo: Odiongan, Calatrava, San Agustin, Looc, San Jose, Romblon, Magdiwang, Cajidiocan at San Fernando.