Upang mas lalo pang mapalakas ang kaalaman ng mga nagmamaneho sa rehiyon, lumagda sa kasunduan ang mga ahensiya ng Land Transportation Office (LTO) Mimaropa at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Mimaropa ng isang Memorandum of Agreement (MOA) sa isinagawang ‘LTO-TESDA Trainers’ Training on the Standardized Modules for Driver’s Education and MOA signing.’
Lumagda sa nasabing MOA mula sa panig ng LTO sina Regional Director Hilarion E. Ulep at Asst. Regional Director Manuel L. Betaizar habang sa panig ng TESDA ay sina Regional Director Engr. Manuel B. Wong at Provincial Director Joel M. Pilotin na sinaksihan ng mga kawani ng dalawang ahensiya.
Ayon kay RD Wong, “napagkasunduan namin ng LTO na bawasan na ang proseso ng pagsasanay sa kurso ng pagmamaneho na inaalok namin sa mga nagnanais matuto ng pagmamaneho.”
Ibig sabihin aniya na ang lahat ng mga nag-aral sa TESDA ay hindi na kailangan pang umulit ng kaparehas na kurso ng pagsasanay sa pagmamaneho sa LTO para menos gastos at oras ng pag-aaral.
Dagdag pa ni Wong, “kailangan naming tumugon sa mga rekisitos ng LTO kung ano ang mga dapat ituro ng mga accredited trainors ng TESDA. Gumawa na rin kami ng mga curriculum na nagtutugma sa LTO kaya ang mangyayari ay dapat ng i-accredit ng LTO yung rehistradong driving program sa ilalim ng TESDA gayundin ang mga rehistradong nagtuturo para sa Driving National Certificate 2 (NC II) at NC 3.”
Samantala, agad na sinundan ng aktibidad ang LTO-TESDA Trainers’ Training on the Standardized Modules for Driver’s Education para sa dalawang araw na kurso na siyang kailangan ng LTO para matanggap ang mga itinalagang tagapagturo ng TESDA sa nasabing programa na dinaluhan ng 40 katao. (Dennis Nebrejo/PIA Oriental Mindoro)