Binigyang-diin ni National Inter-Agency Task Force Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Secretary Vivencio B. Dizon ang importansiya ng pagpapabakuna kontra-COVID-19.
Sa kanyang pahayag sa Palawan media sa naganap na press conference kaninang umaga, sinabi ng kalihim na kailangang ma-emphasize sa mga taga-Palawan ang kahalagahan ng pagpapabakuna kontra-COVID-19 dahil ito ang tanging solusyon upang malabanan ang nasabing sakit.
Ang pahayag na ito ni Sec. Dizon kay kaugnay ng pagbisita ng National Task Force CODE Team sa Puerto Princesa at lalawigan ng Palawan upang i-assess ang kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 dito.
“Ito pong COVID-19 ay talagang unpredictable, dati po ang Palawan ay hindi apektado ng COVID-19, pero dito nakikita natin na ‘no one is really safe for this’ until mabakunahan natin ang ating mga kababayan.”
“Pero ang magiging talagang solusyon dito, ay ‘ang mabakunahan natin ang marami sa ating mga kababayan, kaya ang hiling na lang po namin sa inyo ay talaga pong i-emphasize natin sa ating mga kababayan dito sa Palawan ang importansiya ng pagbabakuna,” ang magkasunod na pahayag ni Sec. Dizon.
Nanawagan din ito sa mga mamamayan ng lungsod at lalawigan na huwag matakot na magpabakuna dahil ang mga bakuna at ligtas at epektibo.
“Huwag po tayong matakot, lahat po ng bakuna ay ligtas, lahat po ng bakuna ay epektibo, kahit ano pa yan, kahit anong brand pa yan, epektibo po lahat yan,” panawagan ng Kalihim.
Nangako rin ito na tutulong ang pamahalaang nasyunal sa Palawan at Puerto Princesa partikular sa karagdagan health care workers/personnel.
“Maliban sa intervention na pinag-usapan natin ngayon ay makakaasa po kayo na ang ating national government ay tuloy-tuloy ang suporta sa Palawan, ibibigay natin ang sapat na suportang kaya natin lalo na sa Puerto Princesa City,” dagdag pa ng Kalihim.
Kasama sa NTF CODE Team sina Usec. Leopoldo Vega ng Department of Health, Mayor Benjamin Magalong, Secretary Vivencio Dizon, DOH-Usec. Dr. Francia Laxamana at DOH-Mimaropa Regional Director Dr. Mario S. Baquilod. Hindi naman nakarating si National IATF Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez, Jr. (Orlan C. Jabagat/PIA-MIMAROPA, Palawan)