Sa pinakahuling datus na inilabas ng Provincial Epidemiology Surveillance Unit (PESU) at Romblon Provincial Health Office (PHO), aabot na sa halos 8,000 katao ang naturukan ng bakuna laban sa Covid-19 sa probinsya.
Ito ang iniulat ni Rizalisa Falculan ng PHO sa ginanap na pagpupulong ng Romblon Local Vaccine Operations Center ngayong Miyerkules.
Sinabi ni Falculan na ang nabanggit na datus na ito ay nakalap hanggang noong ika-24 ng Mayo at posibleng madagdagan pa dahil hanggang ngayon ay patuloy ang ginagawang pagbabakuna sa mga munisipyo.
Sa pangkahalatan, aabot sa 20,150 doses ng Sinovac at Astrazenica Covid-19 vaccines na ang dumating sa probinsya mula sa DOH Center for Health Development Mimaropa.
Ang ilan rito ay naiturok na para sa first dose habang ang natitira ay nakaantabay naman sa mga cold storage facility para sa second dose ng mga unang naturukan.
Sa masterlisting na ginagawa ng mga Rural Health Unit at ng mga ospital sa probinsya, aabot sa 34,036 katao na kabilang sa A1 frontliners at A2 senior citizens priority group ang inaasahang mababakunahan sa probinsya sa mga susunod na araw at linggo.
Nagpapatuloy naman ang master listing para naman sa mga kabilang sa A3 priority group o ang mga may comorbidity.