Handa na ang Kagawaran ng Edukasyon (DepEd) sa posibleng pagbabalik ng face-to-face (F2F) classes sa bansa ngayong patuloy na dumarami ang nababakunahan laban sa coronavirus disease 2019 o Covid-19.
Ito ang ibinahagi ng mga opisyal ng DepEd sa ginanap na Virtual Press Conference ngayong araw na dinaluhan ng mga mamahayag mula sa rehiyon ng Mimaropa.
Sinabi ni Education Secretary Leonor Briones na handa na ang kanilang kagawaran kung sakaling ipagutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga lugar na may mababang kaso ng Covid-19.
“The possibility for face to face is now more positive, the chances are greater than before because of the vaccination process which is now on going (Ang posibilidad para sa face-to-face classes ay mas positibo, mas mataas ang tsansa ngayon dahil sa pagbabakunang kasalukuyang nagaganap),” sinabi ng kalihim.
Maalalang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque noong hindi pa nagsisimula ang vaccination program sa bansa na ipinaabot ng Pangulo ang kanyang pagtutol sa pagbabalik ng face-to-face classes dahil ayaw nitong malagay sa panganib ang buhay ng mga mag-aaral at mga guro.
“Kami naman sa DepEd, palagi kaming handa. Kapag sinabi ng presidente na ituloy na ang face-to-face, mag-comply kami agad,” dagdag pa nito.
Ayon sa kalihim, nagawa na ng kanilang kagawaran na alamin ang mga paaralan na kwalipikado para magsagawa ng face-to-face classes.
Ang mga paaralan na maisasama sa pilot implementation ng F2F classes ay nakapasa sa mga pamantayang inilatag ng kagawaran para masigurong ligtas ang mga bata, mga guro at mga magulang.
Kinakailangan rin aniyang may consent mula sa local government, maging sa mga magulang ng mga batang papasok ng pisikal sa eskwela.
Samantala, nilinaw ng kalihim na hindi ibig sabihin na magkakaroon na ng F2F classes ay limang araw papasok ang mga bata sa paaralan.
Paglilinaw ng kalihim, ang ibig sabihin ng F2F session ay hindi nangangahulugan na limang araw kada linggo at walong oras bawat araw na nasa paaralan ang bata. Aniya, may mga bansa na isang oras o kalahating araw o isang araw lang ang nakalaan para sa F2F, dahil depedende ito sa risk assistment ng isang bansa.
Sa ngayon, nagpapatuloy parin ang ginagawang blended learning ng mga bata sa rehiyon ng Mimaropa habang hindi pa bumabalik ang F2F classes. Ang mga klase para sa kasalukuyang school year ay magtatapos sa Hulyo 10.