Pinalawig ng Department of Science and Technology-MIMAROPA (DOST-MIMAROPA) at Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) ang deadline sa pagsusumite ng mga entries para sa 2021 Regional Invention Contest and Exhibits (RICE) sa MIMAROPA hanggang June 27, 2021.
Inanunsyo din ng DOST-MIMAROPA na ang 2021 RICE ay gaganapin na sa August 10-12, 2021. Una itong itinakda sa May 25-27, 2021.
Ngayong pinalawig na ang deadline, hinihikayat ng DOST-MIMAROPA ang iba pang mga imbentor, industrial designer, mananaliksik at mag-aaral sa pampubliko at pampribadong sektor na sumali sa mga sumusunod na kategorya: Outstanding Invention (Tuklas Award), Outstanding Utility Model (Unlad Award), Outstanding Industrial Design (Banghay Award), Outstanding Creative Research (Likha Award) at Outstanding Student Creative Research (Sibol Award) para sa mga mga-aaral ng high school at college.
Ang nangyaring pagbabago ng schedule ay ginawa upang mabigyan ng mas mahabang panahon ang mga interesadong kalahok na makumpleto ang kanilang requirements. Ayon sa ahensya, kadalasan sa kanila ay nahihirapan sa pagproseso ng mga kailangang dokumento dahil sa mga limitasyon ngayong pandemya.
Ngayong taon, pagtutuunan ang mga lahok na ayon sa kanilang tema na “Imbensyon at Inobasyon Para sa Kalusugan, Kabuhayan, Kaayusan at Kinabukasan.”
Makatatanggap ng parangal at pabuya na aabot hanggang P50,000 ang mga mananalo sa kompetisyon. Sila din ang magiging kinatawan ng MIMAROPA sa National Invention Contest and Exhibits (NICE) sa susunod na taon.
Ayon sa ahensya, maraming pagbabago ang masasaksihan sa kompetisyon alinsunod sa new normal. Lahat ng kaganapan sa kompetisyon ay gagawing virtual. Kasali na ngayon sa main criteria ng judging sa final round ang People’s Choice kung saan ang mga mapapabilang sa final round ay magpapasa ng video presentation na ilalathala sa Facebook page ng Technology Application and Promotion Institute at mamarkahan base sa engagement rate nito.
Maaari na ding sumali ang mga Out-of-School Youths ngayon sa Creative Research category o sa Student Creative Research category. Makipag-ugnayan lamang sa ahensya upang maendorso sa kompetisyon.
Para makasali, kumpletuhin lamang ang mga hinihinging impormasyon sa opisyal na entry form: bit.ly/2021MIMAROPARICE. Ang mga alituntunin ay makikita sa cutt.ly/2021RICEDownloadableForm.
Para sa karagdagang impormasyon, makipag-ugnayan sa DOST-MIMAROPA sa pamamagitan ng pagpapadala ng email sa official@mimaropa.dost.gov.ph o pagtawag sa numerong 09959726258.